Hinamon ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag si Sen. Alan Peter Cayetano na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Lunes, Hunyo 8, 2026 upang personal na maitanong ang anumang nais nitong linawin kaugnay ng mga isyung kinakaharap ng ahensya.
Kinumpirma ni Matibag na nakatanggap siya ng imbitasyon mula sa komiteng pinamumunuan ng bagong halal na chairperson na si Sen. Erwin Tulfo.
Sa panayam sa media noong Biyernes, Hunyo 5, sinabi ni Matibag na bukas siyang humarap sa Senado at sagutin ang mga katanungan ni Cayetano.
“Alan Peter Cayetano is still a member of the Senate. Kung gusto niya akong makaharap at tanungin, mag-attend siya sa hearing sa Lunes. Nandoon ako,” ani Matibag.
Dagdag pa niya, “You can ask every question that you have for me, even my favorite color.”
Ang pahayag ni Matibag ay kasunod ng hamon ni Cayetano noong Huwebes, Hunyo 4 na humarap ito sa komite at maglahad ng ebidensya kaugnay ng impormasyong natanggap umano ng NBI na may 18 dating miyembro ng Philippine Marines na inalok ng tig-₱5 milyong suhol upang tumestigo bilang mga “bagmen” ng dating kongresista na si Elizaldy Co.
Samantala, kinukuwestiyon ang bisa ng isinagawang pagdinig ng kampo ni Cayetano noong Huwebes matapos ang pagbabago sa liderato ng Senado noong Hunyo 3. Labindalawang senador ang nagdeklara ng quorum at itinalaga si Senador Win Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore.
Kaugnay nito, nagpalabas si Tulfo ng memorandum na naglilipat sa nakatakdang pagdinig mula Hunyo 4 patungong Hunyo 8, Lunes.