Iniimbestigahan na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang isang politiko sa Masbate na pinaniniwalaang nagkakanlong sa dalawa sa anim na suspek sa pamamaslang kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe, kamakailan.

Ito ang inihayag kahapon ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde.

Natuklasan aniya nila ang pagkakasangkot ng naturang pulitikong hindi pa ibinubunyag ang pagkakakilanlan, dahil na rin sa extra-judicial confession ng isa sa mga suspek na sumuko sa mga awtoridad.

“Our investigators were wondering then why at least two suspect ended up in Masbate. This is the subject of our continuous investigation,” sabi nito.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sinabi sa ulat ng mga awtoridad, napilitang sumuko ang umano’y back-up gunman sa pagpatay kina Batocabe at SPO2 Orlando Diaz, na si Rolando Arimado, sa takot na itumba ito.

Naiulat na matapos ang pamamaslang ay agad na sinundo si Arimado sa Camalig at dinala sa Masbate.

Pagsapit sa lugar, naiulat na agad itong dinisarmahan ng bodyguard ng pulitiko sa nabanggit na bayan.

Sinabi ni Albayalde na ito ang naging dahilan upang tumakas habang siya ay iniwang nagpapahinga.

Agad din umanong tinawagan ni Arimado ang mga kaanak nito na umasikaso sa tuluyan nitong pagsuko sa PNP.

“We are getting additional statements possibly for possible co-conspirators. We are looking for other people who may have something to do with this,” sabi naman ni CIDG director, Chief Supt. Amador Corpus.

Ang tinutukoy aniya na politiko ay siyang nagbigay ng pera at nagtakas sa mga pumatay sa kongresista.

Pinagtutuunan muna aniya ng kanilang pagsisiyasat ang iba pang posibleng financier sa pamamaslang kay Batocabe

-Aaron B. Recuenco