May 28, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Araw ng Pambansang Watawat ng Pilipinas: Mga simbolong iwinawagayway ng bandila

Araw ng Pambansang Watawat ng Pilipinas: Mga simbolong iwinawagayway ng bandila
Photo courtesy: MB File Photo

Tuwing Mayo 28, muling nabubuhay sa puso ng maraming Pilipino ang diwa ng pagmamahal sa bayan sa paggunita ng Araw ng Pambansang Watawat ng Pilipinas—isang mahalagang selebrasyong hindi lamang tungkol sa pagtataas ng bandila, kundi pag-alala rin sa sakripisyo, pakikibaka, at kalayaang ipinaglaban ng mga ninuno.

Ayon sa ulat ng National Commission on Indigenous Peoples, ginugunita tuwing Mayo 28 ang unang pagwagayway ng watawat ng Pilipinas matapos ang tagumpay ng mga rebolusyonaryong Pilipino laban sa mga Espanyol sa Battle of Alapan sa Imus noong 1898.

Ang watawat na unang iwinagayway noon ay siya ring naging opisyal na simbolo ng kasarinlan ng bansa noong ideklara ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 sa Kawit, Cavite.

Ayon sa awat bahagi ng watawat ng Pilipinas ay may malalim na kahulugan.

Ayon sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ang pambansang watawat ay hindi lamang simpleng tela; ito ay sagisag ng soberanya, kasaysayan, at pagkakakilanlan bilang isang bayan. Ang bawat kulay at hugis nito ay may tiyak at malalim na kahulugan.

Mga Pagdiriwang

Banas ka na ba? Mga puwedeng gawin sa mga plastik!

Ang asul ay sumisimbolo sa kapayapaan, katotohanan, at katarungan, habang ang pula ay sumasagisag sa katapangan at pagmamahal sa bayan. Ang puting tatsulok naman ay tanda ng kalayaan at pagkakapantay-pantay. Ang equilateral triangle ay ang natatanging sagisag ng Katipunan, ang lihim na samahan na nagpasimula ng rebolusyon laban sa mga Espanyol.

Samantala, ang ginintuang araw ay sumisimbolo sa kalayaan, pagkakaisa, demokrasya, at soberanya. Ang walong sinag ng araw ay kumakatawan sa unang walong lalawigang naghimagsik laban sa pananakop ng Espanya, habang ang tatlong bituin ay para sa Luzon, Visayas, at Mindanao; tatlong malalaking pulo sa Pilipinas. Ang walong lugar sa bansa na unang lumaban sa kolonyalismo ay Maynila, Bulacan, Cavite, Pampanga, Nueva Ecija, Laguna, Tarlac, at Batangas.

Sa ilalim ng Republic Act No. 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines, inaatasan ang mga tanggapan ng gobyerno, paaralan, at maging pribadong establishments na itaas at iwagayway ang watawat mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12 bilang bahagi ng National Flag Days celebration.

Sa panahon ngayon kung kailan kaliwa’t kanan ang hamon sa bansa, ipinapaalala ng Araw ng Watawat na nananatiling buhay ang diwa ng pagkakaisa, tapang, at pagmamahal sa bayan; mga pagpapahalagang matagal nang isinasagisag ng ating pambansang watawat.

Basahin: BALITrivia: Bakit sinusunog ang bandila ng Pilipinas kapag ito ay luma na?

Kaugnay na Balita: NHCP, sinita watawat ng Pilipinas na nilagyan ng agila