May 28, 2026

Home FEATURES

Personalan na ‘yan! Ano ang ‘ad hominem’ at bakit hindi dapat ito ginagawa?

Personalan na ‘yan! Ano ang ‘ad hominem’ at bakit hindi dapat ito ginagawa?
Photo courtesy: Pexels


Noon lamang Martes, Mayo 26, tila nagkainitan sa Senado matapos sitahin ni Sen. Erwin Tulfo ang umano’y “ad hominem remark” ni Sen. Rodante Marcoleta kay Sen. Risa Hontiveros.

Kasunod ito ng talakayan ng mga mambabatas sa isinagawa nilang sesyon kamakailan, kung saan napag-usapan kung puwede nga bang dumalo sa plenary session ng Senado ang mga senador sa pamamagitan ng remote, teleconference, o kaya naman ay video conference.

Batay sa nasabing talakayan, idiniin ni Marcoleta na sa ilalim ng “Rules of the Senate,” na nasasaad sa Section 136, paragraph 2, ang isang mosyon upang amyendahan ang “rules” ay napapaloob sa ilalim ng “special provisions.”

“The committee on rules has not even been constituted yet, and there is still no minority contingence in the committee on rules,” buwelta ni Hontiveros.

“This is where it gets difficult if we don’t have a legal background. That’s why I’m saying this is not a new motion, I already moved it as far back as May 11,” giit naman ni Marcoleta.

“Point of order! Ad hominem! It is not right to say that his colleague knows nothing about the law,” pagpalag naman ni Tulfo para kay Hontiveros.

KAUGNAY NA BALITA: 'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!-Balita

Dahil dito, ano nga ba ang sinasabing Ad Hominem?

Ayon sa impormasyong mababasa sa Encyclopedia Britannica, ang “ad hominem” ay isang “fallacy” na naglalayong atakihin ang kaargumentong tao batay sa personalidad nito, kaysa sagutin ang mga diskurso nito.

Kadalasan, ang mga pahayag na maituturing na ad hominem ay walang kaugnayan sa usaping pinagtatalakayan, at madalas na nagaganap sa mga debate.

Base naman sa artikulong mababasa sa Newristics, ang ad hominem ay naglalayon ding gamitin bilang isang taktila upang iligaw ang atensyon ng lahat papunta sa hindi naman mahalagang punto.

Kadalasan sa mga pang-aatake ay may kinalaman sa hitsura o paniniwala.

Gayunpaman, laging pakatandaan na hindi sagot sa kahusayan ng mga punto ang pag-atake sa kadiskurso.

Ang ad hominem ay madalas na nakasasakit, nakakadismaya, at nakaka-offend—kung kaya’t hindi ito ginagawa lalo sa mga seryosong usapin at talakayan.