May 26, 2026

Home BALITA National

'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!

'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!
Photo courtesy: Kiko Pangilinan (FB)

Naglabas ng opisyal na joint statement ang  mga miyembro ng minority bloc ng Senado matapos silang mag-walkout sa plenary session kaugnay ng umano’y minamadaling pag-amyenda sa Senate Rules.

Sa kanilang pahayag, kinondena ng mga senador ang umano’y tangkang pagmamadali sa isang mahalagang pagbabago sa mga panuntunan ng Senado, lalo na’t mayroon pa umanong mga senador na nais magsalita at magtaas ng mga katanungan sa plenaryo.

“Bakit kailangang madaliin? Bakit kailangang pigilan ang mga gustong magsalita?” saad sa joint statement.

Ayon sa minority bloc, ang panukalang rule change ay may kinalaman sa motion kung saan papayagan ang mga senador na dumalo at makilahok sa sesyon sa pamamagitan ng teleconference, video conference, at iba pang electronic means.

Kinuwestiyon din nila kung minamadali umano ang pagbabago upang payagang makaboto si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, lalo na sa gitna ng mga ulat na may ilang majority senators na posible pang maaresto.

National

BINI, target gawing tourism ambassadors ng Pilipinas–DOT

Iginiit ng minority senators na ang nangyari umano sa plenaryo ay hindi na maituturing na maayos na deliberasyon kundi tila “tyranny of the majority.”

Ayon pa sa kanila, wala umanong maayos na Committee on Rules at wala ring halal na Majority Leader noong panahong tinatalakay ang nasabing panukala.

“Kung talagang maipagtatanggol ang proposal, hayaan itong dumaan sa tamang proseso,” ayon pa sa pahayag.

Dahil dito, sinabi ng minority bloc na nagpasya silang kwestiyunin ang quorum at humiling ng adjournment bago tuluyang mag-walkout sa plenary session.

Dagdag pa nila, tungkulin umano nilang tiyaking napag-uusapan nang maayos ang mga mahahalagang pagbabago bilang paggalang sa mandatong ibinigay sa kanila ng taumbayan.

Sa kaugnay na balita, nagkainitan sa plenaryo sina Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Risa Hontiveros matapos kuwestyunin ng huli ang mosyon ng una tungkol sa rule change. 

Anang Marcoleta, hindi na raw bago ang nabanggit na mosyon, at mahirap daw talaga kapag walang legal background ang isang senador, bagay na pinalagan naman ni Sen. Erwin Tulfo at sinabing "Ad Hominem" na si Marcoleta laban kay Hontiveros.