Ngayong buwan ng Mayo, inaasahan na sa iba’t ibang panig ng bansa ang makukulay at magagandang pakulo ng bawat siyudad at lalawigan para sa selebrasyon ng Flores de Mayo at Santacruzan.
Isa kasi ito sa mga kaganapang binibigyang-importansya ng nakakarami, bunsod ng bitbit nitong kahalagahan sa larangan ng kultura, tradisyon, at maging sa relihiyon.
Dahil dito, ang lahat ay talagang inaasahang lalahok at makikiisa sa naturang selebrasyon.
Pero totoo nga bang lahat ay maaaring lumahok sa mga naturang kaganapan?
Dahil sa kaugnayan ng Flores de Mayo at Santacruzan sa Kristiyanismo, iba-iba ang pananaw ng mga tao hinggil sa paglahok ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa pagdiriwang.
Pero gayunpaman, pinatunayan na ng ilang lugar na ang selebrasyong ito ay hindi mahaharang o mapagwawatak-watak ng oryentasyon ng kasarian.
Noon kasing taong 2024, inanyayahan ng lokal na pamahalaang pambarangay ng Baraca-Camachile Subic, Zambales ang LGBTQIA+ members sa kanilang pamayanan na sumali sa taunang Flores de Mayo at Santacruzan.
Samantala, noong sumunod na taon, inanyayahan din ang ilang kasapi ng naturang grupo sa ikinasang Santacruzan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 7, para naman sa trainees sa Area Vocational Rehabilitation Center (AVRC) II.
Ito ay ginanap para sa mga persons with disability (PWD) ngunit ang ilan sa mga LGBTQIA+ members ay nagpamalas ng husay pagdating sa makeup, styling, crafts, at costume designing.
“Many of our Deaf trainees belong to the rainbow community and are exceptionally talented and creative. We want them to feel valued and appreciated because AVRC II is a safe space for them,” saad ni Dr. Jera C. Armendarez, MD, MDM, MPH, Training Center Superintendent II.
Sa paglipas ng panahon, hindi maikakailang ibang-iba na ang trato para sa bawat komunidad sa bansa—partikular na ang LGBTQIA+ community.
Dahil sa mga inisyatibong ito, naipapakita ang inclusivity at acceptance pagdating sa kanila.