Tumirada si Sen. Robin Padilla sa publiko at dinepensahan niya si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay sa dahilan nito ng hindi pagdalo sa mga sesyon ng Senado.
Ayon sa naging pahayag ni Padilla sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Mayo 28, 2026, sinabi niyang hindi raw gusto ni Dela Rosa na hindi pumasok sa Senado dahil na rin sa inisyung arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa huli.
“Si Bato ay wanted ng ICC, hindi niya gusto na hindi siya pumapasok. Malayong magkaiba yun ayaw pumasok dahil isasakay sa eroplano at dadalhin sa dayuhang bansa at ikulong!” pagsisimula niya.
Diin ni Padilla, hindi raw maipagkakaila na si Dela Rosa ang isa sa mga pinakamasipag na senador partikular sa usapin ng attendance o pagdalo sa mga sesyon ng mataas ng kapulungan.
Ani Padilla, iniluklok daw ng taumbayan si Dela Rosa bilang senador kaya hayaan daw sana ang huli na makapagtrabaho sa pamamagitan ng paggamit ng electronic platforms o online.
“Iniluklok siya ng [taumbayan] na maging senador hayaan natin siyang magtrabaho para sa [taumbayan] sa pamamagitan ng [online],” aniya.
Buwelta ni Padilla, ang Pangulo na rin daw ng United States na si Donald Trump ang nagsabi na hindi lehitimo at motibong-politikal ang ICC kaya maliwanag daw na hindi kagustuhan ni Dela Rosa ang hindi pumasok sa Senado.
“Saan ba hindi maliwanag? Hindi [kagustuhan] ni Bato ang hindi pumasok. Maging [sinoman] na senador hanggat [w]alang final conviction ibig sabihin hindi pa kriminal ang tao kayat dapat gawin niya ang mandato niya dahil ibinoto siya ng mga Pilipino,” saad niya.
Pagbibida pa ni Padilla, “Number 3 nga yan eh. Mas marami ang boto niya kesa sa marami sa inyo. Sinasaklawan [n’yo] ang kapangyarihan na ibinigay sa kanya ng [taumbayan] para maging boses nila.”
Pagpapatuloy ni Padilla, itinuturing daw na walang sala ang isang indibidwal hanggang hindi pa napapatunayan sa Korte na nagkasala ito, alinsunod daw sa prinsipyo ng batas o kinikilala rin bilang “presumption of innocence.”
“Wag natin gulohin ang mga Pilipino. Mas Marami ang bumoto sa kanya para manungkulan. Gamitin ang technology para magampanan niya ito,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang bandang 2:30 ng madaling-araw noong Mayo 14 nang mamataan sa CCTV footage ang paglabas at pagsakay ni Dela Rosa sa Fortuner ni Padilla at hindi na muli pa namataan ng publiko ng presensya ng naturang senador magmula noon.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, ipinaliwanag ibig sabihin ng 'force majeure;' binakbakan ng netizens!