May 28, 2026

Home BALITA National

Sen. Robin, ipinaliwanag ibig sabihin ng 'force majeure;' binakbakan ng netizens!

Sen. Robin, ipinaliwanag ibig sabihin ng 'force majeure;' binakbakan ng netizens!
Photo courtesy: Robin Padilla (FB)

Usap-usapan ang naging social media post ni Sen. Robin Padilla hinggil sa naging pagtutol ng Senate minority bloc sa panukalang payagan ang remote participation ng mga senador sa pamamagitan ng teleconference o videoconference, kasunod ng naging mainit na diskusyon sa Senado sa pagbabago ng kanilang panuntunan, noong Martes, Mayo 26, na naging dahilan ng walkout ng minorya sa plenaryo.

Maki-Balita: 'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!

Binanggit ni Padilla ang iba’t ibang pandaigdigang krisis tulad ng giyera sa Gitnang Silangan, terorismo, at ang posibleng pagkakadawit ng Pilipinas sa tensiyon sa pagitan ng China at Taiwan, na aniya, ay mga halimbawa ng "force majeure."

“War/gera/digmaan sa Gitnang Silangan na nagreresulta na ng terorismo sa iba’t ibang parte ng mundo, ang napipintong pagkakadawit ng Pilipinas sa China-Taiwan conflict. Hindi po ba ito force majeure?” ani Padilla.

Ipinaliwanag din ng senador ang mas malawak na kahulugan ng force majeure, na aniya’y tumutukoy sa mga pangyayaring wala sa kontrol ng isang partido gaya ng bagyo, baha, lindol, digmaan, terorismo, at iba pang emergency situations.

National

Tropical storm Jangmi, patuloy na lumalakas; posibleng pumasok sa PAR mamayang gabi o sa Biyernes!

Binanggit din niya ang mga babala hinggil sa posibleng malakas na El Niño phenomenon sa huling bahagi ng 2026 hanggang unang bahagi ng 2027.

Ayon kay Padilla, inaasahang makaaapekto ang matinding El Niño sa maraming lalawigan sa bansa dahil sa mas mababang dami ng ulan at posibleng matinding tagtuyot.

“Malinaw naman po — bagyo, baha, lindol, gera, terrorismo,” dagdag pa niya.

Sa huli, tila pinatutsadahan din ng senador ang ilang kasamahan sa Senado sa pamamagitan ng tanong na, “Akala ko ba pro-active ang dating majority?”

Matatandaang naging sentro ng kontrobersiya ang panukalang pagbabago sa Senate rules matapos mag-walk out ang minority bloc dahil sa umano’y minamadaling pag-apruba sa remote participation ng mga senador sa plenary sessions. Iginiit ng minority senators na dapat dumaan muna sa masusing deliberasyon ang naturang panukala.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, malinaw raw sa Senate Rules na pinapayagan lamang ang videoconferencing sa panahon ng force majeure o national emergency, kagaya ng nangyari noong panahon ng pandemya.

Maki-Balita: Sen. Risa kontra sa videoconferencing push ng mayorya, 'wag daw ikumpara kay De Lima

Samantala, narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens patungkol sa naging paliwanag ni Padilla tungkol sa force majeure:

"Idol Robin Padilla, may free version ang chatgpt. Kahit yun muna try mo tanungin bago ka magsabi ng mga ganito. Or better, magsubscribe ka sa premium na version. May budget ka naman sigurado. Walang halong politika na ito. Para sana mas informed at pinagisipan ung mga post mo. Suggestion ko lang naman."

"Hindi sapat na gamiting batayan ang “force majeure” para sa pag-allow ng video teleconferencing sa sesyon ng Senado dahil ang mga binabanggit na geopolitical tensions at conflicts sa ibang bansa ay hindi naman direktang pumipigil sa operasyon ng ating lehislatura. Hangga’t ang ating mga senador ay malayang nakakapagbiyahe, nakakapagtipon, at nagpapatuloy ang normal na sesyon sa Senado, malinaw na hindi ito maituturing na extraordinary circumstance na katumbas ng mga sitwasyong tulad ng pandemya o malawakang kalamidad na talagang humahadlang sa pisikal na pagdalo. Ang legislative deliberation ay nakabatay sa prinsipyo ng physical presence, quorum, at direct debate. Kaya ang anumang paglihis dito ay dapat may malinaw, kongkreto, at hindi haka-hakang basehan, hindi lamang convenience o general security concerns. Sa ganitong usapin, dapat manatiling exception ang video teleconferencing, at hindi maging default na mekanismo sa pagganap ng tungkulin ng mga halal na senador."

"Salamat po for explaining. Now gets ko na..."

"Kung kaming mga ordinaryong mamamayan ay nagagawang magtrabaho at mag-aral kahit may El Niño, La Niña, baha, init, at samu’t saring krisis, kaya n’yo rin sanang gampanan nang maayos ang responsibilidad ninyo sa bayan. Isa na siguro sa pinakamababa naming hinihingi ay ang huwag ninyo kaming lokohin o gawing mangmang sa mga nangyayari. Lumaban po sana kayo nang patas, Sir. Iniluklok kayo ng sambayanang Pilipino upang gawin ang tama at pagsilbihan ang taumbayan, hindi upang gawing bulag at inutil ang mamamayan habang harap-harapan ang mga kalokohang ginagawa ng majority bloc."

"Ang haba tol. Force Majeure - hindi inaasahang pangyayari o hindi kontrolado. Kung ang gusto mo iconnect ay yong kay Bato. Hindi yon force majeure. Lol."

Samantala, wala pang reaksiyon o tugon si Padilla sa mga bumabatikos sa kaniyang paliwanag.