May 27, 2026

Home BALITA National

Sen. Risa kontra sa videoconferencing push ng mayorya, 'wag daw ikumpara kay De Lima

Sen. Risa kontra sa videoconferencing push ng mayorya, 'wag daw ikumpara kay De Lima
Photo courtesy: MB File Photo

Kinuwestiyon ni Sen. Risa Hontiveros ang isinusulong na "videoconferencing participation" ng Senate majority bloc sa ilang mga senador na hindi makadadalo nang pisikal sa mga sesyon, na humantong sa pag-walk out ng minorya sa plenary session noong Martes, Mayo 26.

Ayon sa minority bloc, ang panukalang rule change ay may kinalaman sa motion kung saan papayagan ang mga senador na dumalo at makilahok sa sesyon sa pamamagitan ng teleconference, video conference, at iba pang electronic means.

Kinuwestiyon din nila kung minamadali umano ang pagbabago upang payagang makaboto si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, lalo na sa gitna ng mga ulat na may ilang majority senators na posible pang maaresto.

Iginiit ng minority senators na ang nangyari umano sa plenaryo ay hindi na maituturing na maayos na deliberasyon kundi tila “tyranny of the majority.”

Maki-Balita: 'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!

National

'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!

Sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Mayo 27, ipinagdiinan ni Hontiveros na hindi ito maaaring ikumpara sa naging panawagan noong 2021 para payagang makadalo noon si dating senador at ngayon ay Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima sa mga sesyon at committee hearings habang nakakulong.

Ayon sa pahayag, magkaiba umano ang sitwasyon noon at ngayon.

Ipinaliwanag ng senador na noong panahon ni De Lima ay kasagsagan ng Covid-19 pandemic kung saan maging ang Senado at iba pang institusyon ay gumagamit ng videoconferencing bilang bahagi ng health protocols.

Dagdag pa niya, malinaw umano sa Senate Rules na pinapayagan lamang ang videoconferencing sa panahon ng force majeure o national emergency.

"Una, COVID pandemic noon at ang Senado, gaya ng ibang institusyon, ay naka video-conferencing. The Senate Rules only allow videoconferencing due to force majeure or occurrence of national emergency. Wala namang pandemic ngayon," paliwanag ng senadora.

Bukod dito, binigyang-diin din niya na si De Lima noon ay kusang sumuko, sumailalim sa detention, at gumalang sa proseso ng batas.

"Pangalawa at mas importante, si Senator Leila noon ay sumuko, na-detain at rumespeto sa proseso ng batas. Then and now, there should be respect for legal authority."

Ayon sa senador, hindi dapat magbigay-daan ang Senado upang patuloy na makaboto, makaimpluwensiya sa polisiya, at makatanggap ng institutional benefits ang isang miyembro habang tumatangging sumailalim sa lawful arrest o judicial authority.

The Senate should not pave the way for a member to continue to vote, influence policies and receive institutional benefits of office - despite refusing to submit to lawful arrest or judicial authority," aniya pa.

Iginiit din niya na bilang mga halal na opisyal, tungkulin umano ng mga senador na personal na humarap sa publiko at gampanan ang kanilang trabaho sa Senado.

"To whom much power is given, much responsibility is expected. Kaming mga senador ay dapat pumasok, humarap sa publiko at magtrabaho," saad pa niya.

Photo courtesy: Screenshot from Risa Hontiveros/FB