May 28, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Paano maging ‘supportive’ sa partner tuwing may buwanang dalaw siya?

Paano maging ‘supportive’ sa partner tuwing may buwanang dalaw siya?
Photo courtesy: Freepik

“Napaka-sensitive mo naman!” 

Ito ang isa sa mga salitang ayaw naririnig ng kababaihan mula sa kanilang partner, lalo na tuwing may buwanang dalaw o bago pa man ito dumating. 

Dahil bukod sa sakit na iniinda sa katawan, nasa mga araw na ito nararamdaman ng marami ang pagbabago-bago sa kanilang emosyon, na parte ng premenstrual syndrome (PMS). 

Ayon sa Healthline, habang hindi pa natutukoy ng mga eksperto ang partikular na dahilan nito, dito kadalasang nararanasan ang pagbaba ng serotonin o happy chemical sa katawan na responsable sa pag-regulate ng mood, gana sa pagkain, at pagtulog nang maayos. 

Para sa kalalakihan na hindi nagkakaroon ng buwanang dalaw, mahalagang tandaan ang mga sumusunod upang mas maintindihan ang partner na dumadaan dito: 

Human-Interest

Every presence matters! Ilang bilang ng senador ang kailangan para maging 'quorum?'

Una, ayon sa pag-aaral ng GoodRx, ang isang babae ay nakapaglalabas ng higit kumulang 30 mL hanggang 40 mL ng dugo tuwing sila ay may regla, na katumbas ng anim hanggang walong kutsarita dugo. 

Kapag mabigat o heavy flow ang regla ng isang babae, maaari pa itong umabot sa 80 mL o 16 kutsaritang dugo, buwan-buwan. 

Kung sexually active naman, binabanggit din sa pag-aaral na ito na posible pa ring makipagtalik sa araw na may regla ang partner, at maaari pa rin itong mabuntis. 

Sa iba pang pag-aaral, binabanggit na kasama rin sa PMS ang pananakit ng puson na sa ilan ay nagdudulot ng hirap sa pag-concentrate sa mga bagay-bagay, acne breakouts, pananakit ng suso, pagkakaroon ng kabag, at diarrhea. 

Dahil sa mga dinaramdam na ito ng kababaihan tuwing sila ay may buwanang dalaw, narito ang ilan sa mga paraan upang maparamdam ng kalalakihan ang pagiging “supportive” sa mga ito: 

Maging mapagpasensiya 

Dahil sa posibleng pagtindi ng mood swings ng partner, malaking bagay ang pagiging mapagpasensiya at maunawain.

Makatutulong din na ipakita na sa mga oras na ito, mas maiparamdam sa partner ang paglalambing at pagmamahal upang maibsan ang matataas o mabababang emosyon na kaniyang nararanasan. 

Maging “active listener” sa kaniyang mga pangangailangan

Parte rin ng pagiging mapagpasensiya ay ang active listening, kung saan, maglalaan ng oras upang makinig sa mga ikinukuwento o anumang ibinabahagi ng partner. 

Maaari itong gawin sa pamamagitan ng panandaliang pag-log out sa social media, pagpatay ng phone o ng TV habang nagkukuwento ang partner. 

Magkaroon ng “period care box” 

Ang “period care box” ay kadalasang may mga lamang painkiller capsules o pain relievers, cravings, o kaya’y extra period pads o tampons, na bukod sa makatutulong upang hindi na kailanganing lumabas pa at bumili, mas mararamdaman din ng partner ang pagmamahal sa paghahanda ng kaniyang mga pangangailangan. 

Bigyan siya ng oras makapagpahinga 

Dahil sa mga pagbabago sa katawan ng partner, posible rin itong makaramdam ng lubos na pagkapagod sa mga araw na ito, kaya makatutulong ang paglalaan ng oras upang siya ay makapagpahinga. 

Iwasang sabayan ang pagiging masungit ng partner 

Dahil sa mataas na emosyon, hindi makatutulong sa partner kung sasabayan ang kaniyang pagsusungit at pang-aasar dito, dahil kadalasan, bugso ng damdamin niya ang una niyang sinasabi o ginagawa. 

Dito rin pumapasok ang pagiging maunawain, mapagpasensiya, at pagpaparamdam ng pagmamahal sa partner.