TULAD ng ating inaasahan, bagamat hindi sana dapat nangyari, namayani ang katigasan ng ulo ng ilang sektor ng ating mga kababayan na hindi nagpapigil sa pagpapaputok ng nakamamatay na mga firecrackers. Kapwa mga kabataan at katandaan ang hindi nakinig sa mahigpit na babala ng mga awtoridad na mistulang nagmakaawa sa kinauukulang mga pasaway upang maiwasan ang madugo at malagim na mga aksidente.

Pinatutunayan ng mga ulat na simula pa lang ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, katakut-takot ang mga nasugatan sa pagpapaputok ng malalakas na rebentador—Goodbye Philippines, Pla-Pla, Picolo at iba pa. Kabilang sa mga biktima ang kabataang naputulan ng daliri, nalasog ang laman at natilamsikan ng pulbura ang mga mata. Halos walang patid ang mga firecracker victims na isinugod sa mga ospital sa iba’t ibang panig ng kapuluan.

Patunay lamang ito na marami ang nagwalang-bahala at nagbingi-bingihan sa mga tagubilin ng Department of Health (DoH) at iba pang ahensiya ng gobyerno laban sa pagpapaputok ng mga rebentador at baril. Malimit nilang idahilan na ang gayong mga aktibidad ay bahagi na ng kulturang Pilipino kaugnay ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Totoong puspusang ibinunsod ng DoH ang mahigpit na kampanya laban sa pagpapaputok: Binigyang-diin sa iba’t ibang media outfit ang mga panganib ng mga paputok; walang habas ang pagkumpiska ng Philippine National Police (PNP) sa malalakas na paputok na kagyat na winasak upang hindi na makapinsala. At ‘tila tinangka pang ikulong ang mga lumabag sa Anti-Firecrackers Law. Subalit naging balakid sa gayong estratehiya ang kapangyarihan ng ‘due process of law’.

Binalak ding ipasara at ganap na ipagbawal ang paggawa ng mga paputok. Ngunit ang ganitong malupit na hakbang ay mistulang lulumpo sa isang industriya na ikinabubuhay ng ating bansa at ng mismong maliliit na manggagawa.

Walang hindi naniniwala na malaking panganib sa buhay at ari-arian ang walang patumanggang pagpapasabog ng mga rebentador. Marami nang nasugatan at nakitil ang buhay sa gayong pagsalubong sa holiday season. Hindi marahil kalabisang gunitain na maraming malalapit na kamag-anak at kaibigan ang naging biktima ng mapangahas na pagpapaputok ng mga firecrackers.

Subalit marapat nating tanggapin na ang gayong mapanganib na pagsalubong sa Bagong Taon ay kaakibat ng mapanganib ding mga aksidente. Ibig sabihin, ang gayong mga aksidente na bunsod ng tinatawag na paputok ng kamatayan ay hindi maiiwasan—mababawasan lamang.

-Celo Lagmay