DARAGA, Albay – Hindi napigilin ng malakas na ulan ang paghahatid kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe sa kanyang huling hantungan, kamakalawa ng umaga.

Bitbit ang mga banner, sumali sa motorcade ang mga kaanak, kaibigan, at supporter ng kongresista patungo sa Daraga Catholic Cemetery kung saan ito ililibing.

Bago inilibing, minisahan muna ito sa Daraga Church na dinagsa rin ng daan-daang kababayan nito.

Ayon kay Atty. Justine Batocabe, umaasa pa rin silang makakamit nila ang katarungan sa pamamaslang sa kanyang ama at maikukulong din ang mga suspek sa krimen.

Probinsya

₱200K, alok na pabuya sa makapagtuturo sa bumaril sa Koreano sa Pampanga

"Naniniwala kami sa kakayanan ng pulisya natin na mare-resolve ang kaso at may mananagot sa pagpatay sa aking ama. Hinihingi po namin na sana hindi maibiling ang aking ama sa istatistika ng mga unresolved crimes," sabi ng anak ng kongresista.

"Nagpapasalamat kami, kasama ang pamilya sa sinseridad ng ating presidente na ma-solve ang kasong ito. Sa pag-order niya sa lahat ng sangay ng gobyerno, lalung-lalo na sa law enforcement agencies at sa lahat ng investigative body ng pinag-isang puwersa na sabi niya makakamit ang hustisya sa mas lalong madaling panahon,” sabi pa nito.

Matatandaang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa burol ng mambabatas kung saan tiniyak nito sa biyuda nito na makakamtam nila ang katarungan.

Dinagdagan din ng pangulo ng P20 milyon ang pabuya sa ikadarakip ng mga suspek at mastermind sa kaso.

Aabot na sa P50 milyon ang reward laban sa mga suspek.

Matatandaang pinagbabaril ng mga hindi nakilalang lalaki si Batocabe habang dumadalo sa isang gift-giving activity sa Bgy. Burgos, Daraga, nitong Disyembre 22 ng hapon.

Napatay din ng mga suspek ang security escort ng mambabatas.

-Niño N. Luces