May 28, 2026

Home BALITA National

Usec. Castro, dumepensa sa lumubog na -15 satisfaction rating ng Pangulo

Usec. Castro, dumepensa sa lumubog na -15 satisfaction rating ng Pangulo
Photo courtesy: RTVM, File Photo

Nanindigan si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na magpapatuloy raw sa serbisyo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa kabila ng mga lumalabas na resulta tungkol sa satisfaction rate ng mga Pilipino sa pamumuno Pangulo mula sa iba’t ibang mga survey firms. 

Matatandaang naglabas ng resulta ng kanilang survey ang Social Weather Stations (SWS) noong Martes, Mayo 26, 2026, kung saan makikitang lumagapak sa “poor” -15 ang net satisfaction rating ng Pangulo noong Marso 2026 mula sa -3 noong Nobyembre 2025. 

KAUGNAY NA BALITA: New record-low! Satisfaction rating ni PBBM, bumagsak at lumubog sa -15 noong Marso 2026—SWS

Ayon naman sa naging pahayag ni Castro sa isinagawa nilang press briefing sa Tokyo, Japan, noong Miyerkules, Mayo 27, sinabi niyang marami naman daw talagang naglalabas ng mga survey results mula sa iba’t ibang mga survey firms. 

Pagbibida ni Castro, kailan lang daw ay lumabas pa sa resulta ng nationwide survey ng OCTA Research kung saan tinaguriang highest rated si PBBM sa apat na pinakamataas na opisyal sa bansa. 

National

Sen. Robin kay Sen. Bato: 'Hayaan natin siyang magtrabaho sa pamamagitan ng online!'

“Noong nakaraan lamang po, sa lumabas na survey ng boses ng bayan, ng OCTA, lumalabas po na ang Pangulo ay tinaguriang o binanggit na highest rated among the top four official in nationwide survey,” pagsisimula niya. 

Ani Castro, naniniwala daw ang kasalukuyang administrasyon na magpapatuloy ang pagtatrabaho ng gobyerno sa pangunguna ng Pangulo para magbigay ng ayuda at tulong sa mamamayan. 

“Kung may mga pagkakaiba man sila sa mga numero, pagkakaiba-iba ng mga survey firms, naniniwala po tayo at ang administrasyon na ito na patuloy ang gobyerno sa pagtatrabaho, pagbibigay ng ayuda at tulong sa ating mga mamamayan,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Hindi po tumitigil ang Pangulo na maibsan ang anomang hirap na dinadanas ng ating mga mamamayan. Especially dulot ng krisis sa Middle East.” 

Diin ni Castro, magtatrabaho at ibibigay pa rin ng Pangulo ang “good governance” sa mamamayan sa kabila ng mga lumalabas na resultang mula sa mga survey firms. 

“Anomang numero ‘yan, tumaas, bumaba, patuloy ang Pangulo sa pagtatrabaho at pagbibigay ng good governance,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Bayan o sarili, mamili ka:' Usec. Castro, bumanat ng linya ni Hen. Luna sa walkout sa Senado!