May 28, 2026

Home BALITA National

'Bayan o sarili, mamili ka:' Usec. Castro, bumanat ng linya ni Hen. Luna sa walkout sa Senado!

'Bayan o sarili, mamili ka:' Usec. Castro, bumanat ng linya ni Hen. Luna sa walkout sa Senado!
Photo courtesy: RTVM

Idiniiin ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na pagkakataon na raw ng mga Pilipino na alamin kung para nga ba sa bayan o sarili ang kinikilos ng mga senador o namumuno sa bansa. 

Matatandaan kasing nag-walk out sa plenaryo ng Senado ang mga miyembro ng minority bloc noong Martes, Mayo 26, 2026, dahil sa naging mainit na tensyon nila sa majority bloc kaugnay sa tila minamadali umanong pag-amyenda sa Senate Rules.

KAUGNAY NA BALITA: 'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!

Ayon naman sa naging pahayag ni Castro sa isinagawa nilang press briefing sa Tokyo, Japan, noong Miyerkules, Mayo 27, sinabi niyang malaking kuwestiyon ang naturang hangarin ng mayorya, partikular si Sen. Rodante Marcoleta, sa pag-amyenda ng Senate ruling para payagang makaboto at makadalo sa sesyon ng Senado ang ilang mga senador sa pamamagitan ng teleconference. 

“Ito ba ay isa sa mga justifiable reasons na mababanggit para makapagboto online? Ito ay talagang malaking kuwestiyon,” pagsisimula niya. 

National

PNP, kukumpiskahin mga baril kung 'di isusuko ni Sen. Bato!

Paninindigan ni Castro, mananatili naman daw na hindi makikialam ang Pangulo at administrasyon sa mga nagaganap sa mataas na kapulungan ng Kongreso. 

“Although noon pa natin sinasabi na ang mga nagaganap sa Senado ay kanilang pagdedesisyon at hindi naman ito panghihimasukan ng Pangulo at ng administrasyon na ito,” diin niya. 

Ani Castro, makikita raw ng mga Pilipino sa pagkakataong ito kung nagtatrabaho ba raw talaga ang mga senador para sa bayan o para kanilang pansariling interes lamang. 

“Ngunit dito natin makikita, ang mga Pilipino… ito ang magandang pagkakataon para malaman nating lahat kung ang mga liderato ba at ang mga leaders na ito ay nagtatrabaho para sa bayan o para sa pansarili o pang-iilan lamang,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Castro, tila hindi niya naiwasang banggitin ang sikat na linya ni Heneral Luna na pinagbidahan ng aktor na si John Arcilla mula sa pelikula ng direktor na si Jerrold Tarog. 

“Kagaya nga ng sinabi ni Heneral Luna, ‘Bayan o sarili, mamili ka,’” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Our powers emanate from the public!' Sen. Erwin Tulfo, nahihiya raw sa mga Pilipino