Kulong ng 22 taon si Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya Mayor Jerry Pasigian kaugnay ng maanomalyang pagbili nito ng sasakyan noong 2009.
Ito ay matapos mapatunayan ng Sandiganbayan 5th Division na nagkasala sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Article 217 ng Revised Penal Code
(Malversation of Public Funds or Property) ang alkalde.
Si Pasigian ay hinatulan ng korte na makulong ng hanggang 15 taon sa graft at pitong taon naman sa malversation.
Bukod dito, pinagmumulta rin sitya ng P453,214.19 na katumbas ng halaga ng sasakyang nabili niya.
Sinabi ng hukuman na dinaya ni Pasigian ang pamahalaan nang i-award nito sa isang Gilbert Arellano ang kontrata ng pagbili ng 2003 Nissan Patrol (PCJ-7777) na nagkakahalaga ng P1.3 milyon, noong Abril 2009.
Ayon sa korte, isinagawa ni Pasigian ang pagbili kahit hindi ito idinaan sa public bidding at inirehistro rin nito ang sasakyan sa kanyang pangalan at hindi sa munisipyo.
Nabigo rin ang alkalde na ibalik sa gobyerno ang sasakyan nang matapos ang termino nito, noong Hunyo 30, 2013.
Idinahilan ng anti-graft court na nilabag ni Pasigian ang Republic Act 9184 (Procurement Law) nang banggitin niya sa purchase order ang brand name, plate number, engine number at chassis number ng nasabing sasakyan.
-Czarina Nicole O. Ong