May 26, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Pinagmulan ng paniniwala ng paghiling sa 'shooting star'

ALAMIN: Pinagmulan ng paniniwala ng paghiling sa 'shooting star'
Photo courtesy: Unsplash


Minsan ka na bang humiling sa shooting star?

Noon lamang Lunes ng gabi, Mayo 25, namataan ang isang bulalakaw na bumagsak malapit sa hilagang bahagi ng Bulkang Mayon.

Batay sa paglilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), agad daw nag-disintegrate ang bulalakaw bago pa man ito humampas sa lupa.

MAKI-BALITA: Bulalakaw, bumagsak malapit sa Bulkang Mayon!-Balita

Pero sa kultura at paniniwala ng iilan, kalimitang humihiling ang mga tao kapag may darating na bulalakaw o “shooting star,” at ito raw ay matutupad.

Saan nga ba nagmula ito?

Ayon sa artikulong mababasa sa pahinang AWNL, matagal na matagal na raw ang paniniwala hinggil sa paghiling sa mga dumadaang bulalakaw.

Sa kasaysayan, pinaniniwalaan daw kasing may kapangyarihang dala-dala ang mga bulalakaw.

Base sa nasasaad sa mitolohiyang Norse, ang “Gungnir,” o ang armas ni Odin, ay sinasabing gawa sa matibay na metal na may kakayahang pumutol o sumira ng kahit anumang bagay.

Kapag nag-cast ang Gungnir sa isang bagay, nag-iiwan daw ito ng liwanag na pinaniniwalaang nagdudulot ng shooting stars.

Sa Silangan naman, naniniwala ang mga Asyano na ang bulalakaw ay nagdadala ng mga kahilingan.

Ginagamit nila ito upang maging gabay sa larangan ng agrikultura, medisina, at komersyo.

Ano ba ang siyensya sa likod ng shooting stars?

Ayon sa parehong source, naglilipana sa kalawakan ang hindi-mabibilang na mga bituin.

Dahil sa lakas ng gravitational force ng daigdig, nahahatak nito ang mga pirasong nasa kalawakan at bumubuo ito ng apoy bunsod ng friction sa atmospera ng daigdig.

Dahil dito, nasusunog ang mga ito at nagliliwanag, na siyang nakikita bilang shooting stars.

Kadalasan, iniuugnay din ang kaganapang ito sa pagmamahalan at romansa, na naglalarawan sa mga hindi pangkaraniwang pangyayari at maigting na emosyon.

Sa kasamaang palad, hirap na raw makita ang shooting stars sa kasalukuyan, dahil sa patuloy na polusyon at pagkasira ng atmospera ng daigdig.

Magkatotoo man o hindi ang mga hiling na ibinato sa mga bulalakaw, tanda pa rin ang shooting stars na sa lahat ng nangyayari, ang pag-asa ay natural na lilitaw.