“Mabuti nga nag-sorry pa ko…”
Sa anumang relasyon, hindi naiiwasan ang makasakit dahil sa mga pagkakamaling nagawa.
Ayon sa maraming pag-aaral, ito’y dahil walang relasyong perpekto, at likas na dumadating ang mga pagkakataong may expectations na hindi naaabot o kaya’y misunderstandings na hindi agad napag-uusapan.
Dito na pumapasok ang kahalagahan ng pagharap sa problema, paghingi ng tawad, at bukal sa loob na pagbabago mula sa mga natutunan mula sa pagkakamaling nagawa.
Gayunman, may mangilan-ngilan na nakakadagdag pa ng sakit sa damdamin ang paghingi ng tawad.
Dahil dito, narito ang ilan sa maituturing na “red flags” na paraan sa paghingi ng tawad:
“Sorry, pero kasi…”
Ang paghingi ng tawad ay upang aminin ang pagkakamali at ipahayag ang kagustuhang magbago, ngunit maituturing na peke ang paghingi ng tawad kung inililipat nito ang sisi sa nagawan ng mali.
Sa pagkakataong ito, ipinapakita ng isang indibidwal na hindi niya inaako ang nagawang pagkakamali at wala siyang kagustuhang panagutan ito.
“Nag-sorry lang ako kasi…”
Sa red flag na ito, kadalasang ipinararamdam ng isang nagkamali na pilit ang paghingi niya ng tawad at nais pang i-”guilt trip” ang kausap upang makonsensya.
May mga pagkakataon ding hindi na sinusubukang humingi ng tawad ng indibidwal kung hindi siya nahuli sa ginawang pagkakamali.
“Magso-sorry ako kahit wala naman akong ginawa/sinabing mali”
Isa pang uri ng paghingi ng tawad na pilit, ipinapakita ng isang indibidwal dito na hindi niya inaamin ang ginawa o kaya’y hindi niya alam na mali na ang kaniyang ginawa.
“Magso-sorry lang ako kung…”
Ang paghingi ng tawad sa ganitong paraan ay kadalasang humihingi ng kondisyon at tila inoobliga pa ang kausap na may kapalit ang kaniyang paglapit.
Kadalasang ipinararamdam rito ng nagkamali na wala siyang balak humingi ng tawad at kailanman ay hindi niya aamining mali ang ginawa o kaya’y nakasakit siya.
“Ito naman, napaka-sensitive!”
Madalas itong pabiro at may pahiwatig ng paninisi dahil sa naging mismong reaksiyon ng nagawan ng atraso.
Minsan, may pumapasok ditong “gas lighting” o emosyonal na manipulasyon kung saan tangkang pagdudahin ang isang tao sa kaniyang persepsyon sa isang pangyayari.
Sa dagdag na pag-aaral ng Psychology Today, ang tunay o sincere na paghingi ng tawad ay may solusyon at may pusong hindi na muling makasakit.
Wala itong kondisyon, bahid ng biro, o kaya’y pahiwatig ng anumang pamimilit, at paglilipat ng sisi sa iba.