Ngayong buwan ng Mayo, nagdaan na ang isa sa mga pinaka-inaabangang selebrasyon at pagdiriwang ng bawat isa—ang Mother’s Day noong Mayo 10.
Pero maliban dito, isang month-long celebration din ang talaga namang kinasasabikan ng lahat tuwing Mayo, na kasalukuyan ay ginugunita at binibigyang importansya—ito ay ang Flores De Mayo.
Ano nga ba ang Flores de Mayo at bakit ito ipinagdiriwang?
Ayon sa artikulong mababasa sa pahinang Lumina, ang Mayo raw ay isang espesyal na buwan upang kilalanin ang kasaysayan ng Kristiyanismo at ang paglalakbay ni Santa Helena para sa Holy Cross.
Batay pa sa artikulo, nagsimula raw ang pagdiriwang nito noong sinasakop ng Espanya ang Pilipinas noong ika-19 na siglo.
Kasabay ito ng pagpapakilala ng mga Espanyol sa mga Pilipino ng Kristiyanismo.
Anito pa, ang Flores de Mayo ay sumasalamin sa tradisyon ng pagbibigay ng bulaklak bilang alay kay Birheng Maria.
Base naman sa paliwanag ni GMA News trivia master at TiktoClock host Kim Atienza sa isang episode ng 24 Oras Weekend, konektado raw ang tradisyon ng Flores de Mayo sa “European customs” kung saan kinikilala tuwing Mayo si Birheng Maria sapagkat sa panahong ito, nagsisimula na ang pagyabong ng mga bulaklak sa Europa.
Ano naman ang Santacruzan?
Sa usapin naman ng Santacruzan, nagsisilbi itong “culmination” o “conclusion” ng Flores de Mayo—kung saan nagsasagawa ng prusisyon o “threatrical retelling” ang mga kalahok at deboto para ilahad ang kuwento ng paglalakbay ni Santa Helena para sa krus—na siyang nagsisilbing mahalagang kaganapan sa kasaysayan ng Kristiyanismo, batay sa artikulong mababasa sa pahinang Ascott Star Rewards.
Kadalasan, ang mga kalahok ay nagbibihis nang magarbo upang ipakita ang ilang mga biblical at allegorical figures sa Christian history.
Ang Flores de Mayo at Santacruzan ay hindi lamang simpleng selebrasyon at pagdiriwang; tanda ito ng mayaman at mayabong na kasaysayan na pinag-ugatan ng ating mga paniniwala.