MAPUPUNO ng kilig ang inyong weekday mornings sa back-to-back Koreanovela na handog ng GMA Heart of Asia, simula ngayong Lunes, Disyembre 3, ang Something About 1% at Don’t Dare to Dream.

Itinatampok sa Something About 1% sina Jeon So Min bilang Darlene, isang simpleng guro sa isang maliit na paaralan at fan club president ng isang K-pop idol; at Ha Seok Jin, bilang Irvin, isang aroganteng businessman na puro pera lang ang nasa isip.

Magbabago ang buhay ni Darlene nang minsang may matulungan siyang matanda na hinimatay sa likod ng kanilang paaralan. Hindi niya alam na ang matanda ay isa sa pinakamayaman sa Korea. Matapos mapatunayan ang busilak na kalooban ni Darlene, inutusan ng matanda ang apo niyang si Irvin na makipag-date kay Darlene.

Pumayag sa kasunduan ang dalawa para sa kanilang mga sariling motibo. Sa loob ng 1% probability, may pag-asa kayang magkasundo ang dalawa?

Events

'Rated J?' Korina Sanchez, Jessica Soho naispatang magkasama sa Vatican

Inihahandog naman ng Don’t Dare to Dream ang kuwento ni Nikki, na ginagampanan ni Gong Hyo Jin. Isa siyang weather broadcaster na nangangarap umibig at maging isang anchor.

Matagal nang crush ni Nikki si Harvey Lee (Jo Jung Suk), ang sikat na news reporter sa broadcast station na pinagtatrabahuhan niya. Minsan, aksidenteng makakapa ni Nikki ang bukol sa dibdib ni Harvey. Papayuhan ni Nikki si Harvey na magpatingin sa doktor sa hinalang may breast cancer ang binata.

Nang makumpirma ni Harvey na mayroon nga siyang sakit, nagsimula na siyang seryosohin si Nikki pero ‘tila huli na siya dahil nagkakamabutihan na si Nikki at ang best friend niyang si Johnny (Go Gyung Pyo).

Makakamit kaya ni Nikki ang kanyang pangarap sa kanyang trabaho at sa kanyang personal na buhay?

Subaybayan ang Something About 1% at Don’t Dare to Dream, simula Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng The Legend of Zu sa GMA-7.