May 22, 2026

Home BALITA Politics

Tinawag na 'drug lord' ni Trillanes: Manny Piñol, rumesbak para kay Sammy Uy!

Tinawag na 'drug lord' ni Trillanes: Manny Piñol, rumesbak para kay Sammy Uy!
Photo courtesy: House of Representatives/Manny Piñol(FB)/MB File Photo

Dinepensahan ng dating Agriculture Secretary na si Manny Piñol ang negosyanteng si Samuel "Sammy" Uy matapos aniya itong madawit sa mga kontrobersiyang inilutang sa naganap na impeachment hearing kaugnay ng umano’y malalaking deposito sa bank accounts ng pamilya Duterte.

Noong Miyerkules, Abril 22, pinangalanan ni dating Sen. Antonio "Sonny" Trillanes IV, isa sa mga naging resource speaker sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment complaints kay Vice President Sara Duterte, si Sammy Uy bilang "drug lord" na nagbigay ng milyon-milyong pera hindi lamang daw kay FPRRD at VP Sara, kundi maging sa iba pang miyembro ng pamilya Duterte na sina Davao City Mayor Sebastian "Baste" Duterte, Davao City 1st District Rep. Paolo "Pulong" Duterte, Veronica "Kitty" Duterte, at nanay niya at common-law wife ni FPRRD na si Honeylet Avanceña.

Maki-Balita: Higit ₱2B, laman ng sikretong joint bank accounts ng mag-amang FPRRD, VP Sara—Trillanes

Maki-Balita: Pamilya Duterte, tumanggap ng daan-daang milyon sa drug lord—Trillanes

Sa isang Facebook post, sinabi ni Piñol na labis siyang nabigla nang marinig ang pangalan ng matagal na niyang kaibigan na umano’y sinisira sa harap ng buong bansa dahil lamang sa pagiging malapit niya kay FPRRD.

Politics

Sen. Loren, niligwak na rin ng Kislap Diwa na pinangangasiwaan niya!

Ayon kay Piñol, itinuring si Uy sa pagdinig bilang isang “bigtime drug lord” na umano’y nagdeposito ng malaking halaga sa bank accounts ng mga miyembro ng pamilya Duterte, na sinasabing mula sa ilegal na droga.

Gayunman, nilinaw ni Piñol na wala siyang personal na kaalaman sa mga alegadong transaksyon sa pananalapi sa pagitan nina Uy at ng pamilya Duterte, kaya hindi siya makapagbibigay ng komento rito.

Sa halip, pinili niyang magsalita ukol sa pagkatao ni Uy, na aniya’y matagal na niyang kakilala at minsang dumepensa sa kaniya noong may mga umano’y nagtangkang patalsikin siya bilang kalihim ng Department of Agriculture.

Ikinuwento ni Piñol na si Uy umano ang nagsabi noon kay dating Pangulong Duterte na hindi totoo ang mga paratang laban sa kaniya at hindi siya tumatanggap ng regalo.

Kalaunan, aniya, pinawalang-sala siya ng Presidential Anti-Corruption Commission matapos ang pitong buwang lifestyle check.

Sinabi rin ni Piñol na matagal nang kaibigan ni Duterte si Uy bago pa man ito pumasok sa politika. Inilarawan niya ang negosyante bilang miyembro ng isang matagal nang Filipino-Chinese family na nagmamay-ari umano ng DIMDI appliance store sa Davao City at mga negosyong poultry at hog farms.

Dagdag pa niya, si Uy rin umano ang isa sa mga tumulong sa pag-aayos ng naging pagbisita noon ng yumaong Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa tahanan ni Duterte sa Davao City noong siya ay pangulo pa.

Para kay Piñol, malayong paniwalaan ang alegasyong may kinalaman si Uy sa ilegal na droga at sinabi niyang tila sumobra na ang black propaganda sa politika.

"Being a former politician myself, I fully understand the political game but destroying the reputation of innocent people just to pursue an agenda is abominable and evil," ani Piñol.

"Politics is a dirty game pero sobra na ito. Nasaan ang konsensya ninyo?" aniya pa.

Photo courtesy: Screenshot from Manny Piñol (FB)

Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang pormal na reaksiyon, tugon, o pahayag si Uy hinggil sa mga akusasyong ibinabato laban sa kaniya.