Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center)
8:30 am San Sebastian vs. Lyceum (jrs)
10:00 am San Sebastian vs. Lyceum (m)
12:00 pm San Sebastian vs. Lyceum (w)
2:00 pm EAC vs. Letran (w)
3:30 pm EAC vs. Letran (m)
5:00 pm EAC vs. Letran (jrs)
MAKAHANAY sa win column kasama ang mga opening day winners San Beda University at defending champion Arellano University ang tatangkain ng apat na koponang sasabak ngayong hapon sa women’s division ng NCAA Season 94 volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Maghahangad ng kani-kanilang unang panalo ngayong season ang San Sebastian College at Lyceum of the Philippines University sa unang laro sa women side ganap na ika-12 ng tanghali gayundin ang Emilio Aguinaldo College at Letran sa tampok na laban ganap na 2:00 ng hapon.
Mauuna rito, magtutuos sa unang dalawang laro ang mga juniors at men’s squads ng San Sebastian at Lyceum ganap na 8:30 at 10:00 ng umaga ayon sa pagkakasunod.
Magsasagupa din ang men’s (3:30) at junior (5:00) teams ng EAC at Letran pagkatapos naman ng salpukan ng kani-kanilang women’s team.
Target ng Lady Stags na makabawi mula sa mababang pagtatapos noong nakaraang season kung saan nabigo silang umusad sa Final Four sa unang taon ng kanilang post Grethcel Soltones era.
Tulad ng Lady Stags, magsisikap ding makaahon mula sa pagtatapos na nasa lower half ng standings ang Lady Generals,(2-7), Lady Knights (3-6) at Lady Pirates(1-8).
Nasingitan ang Lady Stags ng Jose Rizal University Lady Bombers na sa unang pagkakataon ay pumasok sa Final Four round noong Season 93 makaraang magtala ng 6-3, panalo-talong marka kumpara sa 5-4 ng una.
-Marivic Awitan