SA mediacon ng Three Words to Forever, ang pinakaaabangang reunion movie nina Sharon Cuneta at Ormoc City, Leyte Mayor Richard Gomez, natanong ang cast kung bakit kailangang sa Ormoc ang principal location ng pelikula.

“Because of his (Richard) schedule,” sagot ni Sharon. “Kasi kung dito (Manila) kami exclusively, weekends lang siya puwede. So in Ormoc, at least, napupuntahan siya ng office niya at pinupuntahan niya ang office niya kahit after shooting.”

“It’s a privilege for me na doon mag-shooting kasi sinabi ko sa Star Cinema, ‘I really want the project kaya lang ang hirap para sa schedule ko as a Mayor’,” sabi ni Richard.

“When you’re a mayor of a city, you have to be there 24/7 and hindi naman ako puwede na kapag nag-shooting ako dito, wala ako ro’n, I’m very thankful to all the co-stars agreed to shoot in Ormoc, especially Star Cinema kasi while we were shooting there, I was able to do my duties also as mayor of the city.”

Doc Willie, malapit nang matapos ang 6 sessions ng chemotherapy

Nabanggit din ni Joross Gamboa na nakatulong ng malaki ang location sa pelikula dahil family movie ito.

“Sa mga direktor kasi mayroon ding (say), siyempre hindi naman basta-basta magsu-shoot si Direk (Cathy Garcia-Molina) doon kung wala siyang nakita,” say ni Joross.

Nag-ocular daw muna si Direk Cathy sa siyudad kasama ang mga taga-City Tourism Office.

“Nagpunta sila (Team Cathy) nang wala pa kami,” saad ng Megastar.

“Nu’ng nagpunta sina Direk sa Ormoc, [sabi ko] ‘tourism office will take you around, I will not go with you’, para hindi maging bias ‘yung pagtingin nila. Nakita nila ‘yung beauty of the place,” sabi ni Goma.

“Kaya natutuwa ako na naging masaya sila (co-actors) sa Ormoc City habang nandoon sila and I’d like to more people there, kayong mga press I’d like to have you in Ormoc City.”

Sa trailer ng Three Words to Forever ay kitang-kita ang ganda ng Ormoc City, fresh sa paningin ng lahat dahil nga first time rin namang mag-shoot ng isang pelikula sa lungsod. Kaya may bagong tuklas na tourist destination na naman ang makakapanood sa pelikula, na showing na sa Nobyembre 28.

Samantala, sa nasabing mediacon ay nalaman ng lahat na umabot pala sa hanggang six years ang on-and-off relationship nina Richard at Sharon, na nagsimula noong Oktubre 11, 1989. Akala kasi ng iba ay isang taon lang silang naging magkarelasyon.

Hindi man nagkatuluyan sina Goma at Shawie ay napakaganda ng relasyon nila ngayon, dahil napanatili nila ang kanilang pagkakaibigan, kasama ang kani-kanilang pamilya.

“’Yung love namin ni Sharon sa isa’t isa that will always remain forever. Hindi mawawala ‘yun,” seryosong sabi ni Richard, na labis na ikinakilig ng fans.

“Yes, ilang taon ang dumaan, kasi grabe ‘yung pinagsamahan namin na tiniis ko,” sabi ni Sharon, sabay tawa. “I’d like to say na lahat ng pinagdaanan namin ni Richard ng kind of pain kasi mga bata pa kami noon and he was showing his wild (side) and I was the patient girl then.

“Nagtaasan kami ng boses (sa pag-aaway), siguro mga twice lang? Napakabait po kasi nito (Richard), he’s a good person to begin with. Mapapatawad mo, kasi sobra rin naman niya akong mahalin.

“Lahat ng natiis ko sa kanya, hindi ko titiisin kahit kalahati no’n sa sinumang nauna sa kanya o after niya. Hindi ko na natiis ‘yun, sa kanya lang. That’s why malalim ang pinagsamahan namin.

“Now that he’s so happy with Lucy (Torres), with Julianna. My God I’ll always knew he was going to be successful kasi bata palang kami masinop na ‘yan, eh. ‘Yung investments niya, painting, bahay, ‘yung iba (na artista ang) inuuna sports car.

“Kami nu’ng nagde-date kami nu’ng una L-300 (van ang sasakyan). Tapos nagsu-shoot ako sa Forbes Park ng Oras-Oras, Araw-Araw, he was happy, sabi niya, ‘honey come-on I’ll show you something’. Paglabas ko, meron na kaming Nissan Sentra. [Sabi niya] ‘Hindi ka na aakyat’, sabi niya, ‘hindi ka na hahakbang’.

Inamin din ng aktres na lumipas muna ang 15 years bago sila gumawa ulit ng pelikula ni Goma

“Parang feeling ko, I didn’t know him. Ba’t nagbi- Bisaya ito, eh, Kapampangan ako? But kidding aside, I was really very…I was nervous.

“I told Inang [Olive Lamasan, managing director of Star Cinema]. I was crying to Inang Olive. Inang, I don’t know if I can do it because I don’t know him. He’s not MY Richard anymore.’ Yung Richard na kilala ko, ibig kong sabihin kasi, ang tagal nang dumaan, daming pinagdaanan.

“Inang was part of it kasi, from day one, ligawan pa lang, ‘di ba? Pagdating do’n (Ormoc), ‘yung nakikiramdam ako kasi I was so sad. I was away from my family. I posted that I was sad.

“It was my first day, I didn’t know the city. And truth be told, I wasn’t used to Richard, being this mayor of this town. I was proud, pero this is not the Richard I know.

“Nu’ng pinost ko, I think ang daming naka-misinterpret, kahit siya (Richard). Naturally, ba’t ko naman sisiraan ang isang lugar na hindi ko naman kilala? Naiwan ko lang ‘yung family ko, I didn’t know what to expect from him.

“Tapos, bago ‘yung city, first time ko. Wala akong kilala kundi siya na may sarili nang buhay. So, feeling ko, ano ang ginagawa ko dito? Pero you know, in the end, it turned out to be a beautiful movie talaga,” kuwento ng aktres.

Marami pang bagay na naikuwento sina Goma at Shawie tungkol sa Ormoc City, na mas magandang panoorin sa Three Words to Forever, sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molina. Kasama rin sa movie sina Liza Lorena, Tommy Esguerra, Freddie Webb, at Kathryn Bernardo.

-REGGEE BONOAN