GS Warriors, nakalusot sa Kings; Rockets, gutay sa Cavs
OAKLAND, California (AP) — Naisalpak ni Klay Thompson ang bola mula sa sariling mintis may limang Segundo ang nalalabi, habang natipa ni Kevin Durant ang season-high 44 puntos para sandigan ang Golden State Warriors sa manipis na 117-116 panalo kontra Sacramento Kings nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Naibuslo ni De’Aaron Fox ang dalawang free throw matapos ma-foul sa rebounds matapos sumablay ang 33- footer ni Thompson para sa isang puntos na bentahe may 26 na segundo ang natitira sa laro.
Sa huling play ng laro, nagawang matapik ni Durant ang bola palabas sa court kasunod ang buzzer. Ngunit sa ginawang review may nalalabi pang 0.3 segundo para sa opensa ng Kings. Sa kabila nito, hindi na nakagawa nang maayos na play ang Sacramento.
Hataw din si Durant sa 13 rebounds at pitong assists, habang naitala ni Thompson ang ikalawang sunod na 31 puntos para sa Warriors.
Nanguna si Buddy Hield sa Kings na may 28 puntos mula sa 12-for-21 shooting at may pitong rebounds. Nag-ambag si Rookie Marvin Bagley III ng 20 puntos at season-best 17 rebounds mula sa bench.
BUCKS 135, SPURS 129
Sa Milwaukee, nakumpleto ng Bucks, sa pangunguna ni Giannis Antetokounmpo na may 34 na puntos at 18 rebounds, ang matikas na pagbangon mula sa 11 puntos na paghahabol sa final perios para maagaw ang panalo sa San Antonio Spurs.
Dumadagundong ang coliseum, sa hiyawang MVP!MVP!MVP para kay Antetokounmpo na tumipa ng 14 na puntos para pangunahan ang matikas na paghahabol ng Bucks. Nag-ambag sina Malcolm Brogdon ng 23 puntos at umiskor si Khris Middleton ng 21 puntos at nagsalansan si Eric Bledsoe ng 20 puntos at 10 assists.
Ratsada sa Spurs si DeMar DeRozan sa nakubrang 34 puntos para sa Spurs, umabante sa 106-95 ,ay 11 minuto ang nalalabi sa final period.
Subalit, determinado ang Bucks para makahabol at maipuwersa ang 26 na pagpapalit ng bentahe, huli’y sa 123-122 ay 2:44 sa laro.
MAVS 114, CELTICS 104
Sa Dallas, ginapi ng Mavericks, sa pangunguna ni J.J. Barea na may 20 puntos, ang Boston Celtics para sa ika-anim na sunod na panalo sa home game.
Nag-ambag si Harrison Barnes ng 20 puntos at kumana si teenage rookie Luka Doncic ng 15 puntos para mahila ang karta sa9-9.
Nanguna si Jayson Tatum sa Boston na may 21 puntos, habang bumuhat sina Kyrie Irving at Marcus Smart ng tig-19 puntos.
CAVS 117, ROCKETS 108
Sa Cleveland, pinahanga ni rookie Collin Sexton ang mga tagahanga sa naiskor na season-high 29 puntos para sandigan ang Cleveland Cavaliers kontra Houston.
Nanguna si James Harden sa Rockets na may 40 puntos.
Nakuha ng Cavs bilang eighth pick overall sa draft, naisalpaj ni Sexton ang ilang krusyal na opensa para sa kabuuang 14 for 21 sa floor para sa impresibong panalo laban sa liyamadong karibal.
Naitala ng Cleveland (4-14) ang unang back-to-back win ngayong season matapos gapiin ang Philadelphia 121-105 nitong Biyernes.
Nag-ambag si Tristan Thompson ng 16 puntos at 20 rebounds para sa Cleveland, habang umiskor si Jordan Clarkson ng 20 puntos.
Sa iba pang laro, pinatahimik ng Denver Nuggets, sa pangunguna ni Jamal Murray na may 22 puntos, ang Oklahoma City Thunder, 105-98; ginapi ng Minnesota Timberwolves ang Chicago Bulls, 111- 96; tinalo ng Wizards ang New Orleans Pelicans, 124-114.