AT 40 years old, masasabing napakabata pa para mabiyuda ng dating aktres na si Lindsay Custodio. Nasawi kasi nitong Lunes ang mister niyang si dating Tanauan City, Batangas Vice Mayor Julius Caesar Platon II.
Base sa Facebook post ng Colorful Tanauan, inatake sa puso si Julius habang nagmamaneho sa South Luzon Expressway, sa may bandang Sucat sa Muntinlupa City, nitong Lunes.
Naisugod pa raw ang dating vice mayor sa Asian Medical Center sa Alabang, ngunit tuluyan na itong binawian ng buhay.
Forty three years old lang si Julius, na ikinasal sa dating Ang TV star noong December 19, 2000. Mayroon silang dalawang anak, sina Sean, 16, at Charisse, 12 anyos.
Walang mag-aakalang may nakababahalang sakit si Julius, na nagsumite pa ng certificate of candidacy nitong Oktubre upang kumandidato para vice mayor ng Tanauan sa Mayo ng susunod na taon.
Anak ni Julius ng pinaslang na dating mayor ng Tanauan na si Cesar Platon.
Nakasaad din sa nasabing post na ibuburol ang dating vice mayor sa The Heritage Park sa Taguig City, bagamat wala pang detalye sa libing ng dating opisyal.
-ADOR V. SALUTA