“PARA kang sunset,” sinabi ni Paolo Contis kay Alessandra de Rossi.

Alessandra at Paolo copy

“Bakit? Kasi maganda ako?”

“Kasi palubog ka na.”Ito ang nagmarkang linya sa amin sa pelikulang Through Night & Day nina Paolo at Alessandra, na idinirek ni Ronnie Velasco, mula sa Viva Films at Octoarts Films.

'TrilYULO:' Dennis, kumasa rin sa croptop challenge!

Nasa trailer ang usapang ito nina Alex at Paolo, na inakala ng lahat ng mga nakapanood ay kaswal na biruan ng dalawa dahil three fourths yata ng pelikula ay puro nakakatawa ang mga dialogue ng dalawang bida, na pakiwari namin ay wala na sa script at puro adlib na lang.

Sa huling bahagi malalaman kung bakit sinabihan ni Paolo si Alex ng “palubog na”, at hindi na namin ito ipe-preempt pa.

Sa simula ng pelikula ay ang saya-saya ng dalawa dahil childhood sweethearts sila, at hindi nila ma-imagine na mabubuhay sila nang wala ang isa’t isa.

Parehong lumaki sa City of Pines, Baguio at magkatabi rin ang bahay nila, kaya through night and day ay magkasama sila hanggang sa nag-propose na si Paolo kay Alessandra.

At dahil gustung-gusto ni Alex na makarating sa Iceland ay talagang pinag-ipunan ito ni Paolo, kaya naman sobrang saya ng dalaga nang malaman niyang pupunta sila roon, at doon na rin isu-shoot ang kanilang pre-nup photos.

First time mag-out of the country ng dalawa at dito nila nadiskubre ang ugali ng isa’t isa, na talagang tawang-tawa ang lahat. Palakpakan pa nga ang mga manonood sa bawat bitaw ng mga linya nina Pao at Alex.

Tulad nang nasabi namin sa simula, ‘tila wala na sa script ang mga dialogue ng dalawa. First time kasi naming narinig sa pelikula ang: “Kaya kong kontrolin ang isip ko kasi nasa ulo ko, pero ito (sabay tingin sa private part), hindi ko makokontrol kasi puro ulo lang siya.” Kaya hagalpakan ang lahat, dahil napaka-casual ng bitaw ni Paolo.

Tuloy pa rin ang tawanan dahil hiningi ni Alex ang mga kamay ni Paolo, na inakalang may gagawin ang dalaga para masiyahan siya, pero ang sabi ng aktres: “Ipag-pray natin para mawala.”

Relatable rin ang lahat ng linya sa Through Night & Day, kaya siguradong mag-e-enjoy ang mga manonood nito.

Grabe ang tawa ng mga dumalo sa premiere night ng pelikula, pero todo ring pinaiyak nina Pao at Alex ang lahat sa bandang huli ng pelikula. Halos lahat tuloy ng lumabas sa sinehan ay namamaga ang mga mata, kasama na kami.

Sabi nga ng ilang katoto, kung magaling si John Lloyd Cruz sa mga eksenang nakakaiyak, may katapat na siya, si Paolo Contis. Tuluy-tuloy kasi ang agos ng luha ni Paolo, dalang-dala niya ang manonood. Ang galing-galing mo, Pao!

Sabi ng kasama namin, “Grabe, ‘no, halos lahat ng mga artistang galing sa Ang TV Na! ang huhusay umarte!’

Oo nga, iilan na lang ang mga dating Ang TV kids na lumaki na ngayon ang aktibo sa pag-arte, tulad nina Carlo Aquino, Angelu De Leon, Geoff Eigenmann, Cheska Garcia, Patrick Garcia, Michael Roy Jornales, Maxene Magalona, Jolina Magdangal, Jay Manalo, Victor Neri, Boy 2 Quizon, John Prats, CJ Ramos (kababalik lang), Thou Reyes, Marc Solis, at Angelica Panganiban. May ilang aktibo pa rin pero iba ang karera nila ngayon.

Samantala, bumilib kami kay Alessandra dahil in character siyang dumalo sa premiere night. Nagpakalbo siya, at related ito sa karakter niya na kinunan sa Baguio pagkagaling nila sa Iceland.

Nag-enjoy ang mga mata namin sa magagandang lugar sa Iceland, na first time rin na nag-shoot doon ang isang pelikulang Pinoy, dahil ang layu-layo at sobrang mahal ng mga bilihin.

Tungkol sa ikinuwento ni Alessandra na muntik siyang mamatay sa pool scene dahil sobrang lamig ng tubig, hindi namin ito nahalata dahil ang ganda ng mga ngiti niya habang kausap si Paolo, na nanginginig na rin pala sa ginaw. Nakalubog kasi sa tubig ang mga paa niya, at namatay pa raw ang mga kuko ng aktor. Ang ganda kasi ng mga shots ni Direk Ronnie.

Nakakuha ng Grade A mula sa Cinema Evaluation Board (CEB) ang Through Night & Day, kaya garantisadong super sulit ang ibabayad n’yo para mapanood ang pelikula, na showing na ngayong Miyerkules. Promise ‘yan!

-REGGEE BONOAN