CURIOUS kami sa tag line ng pelikulang Class of 2018 na ‘kaibigan, kaklase, kakampi, kaaway. Sino ang matitira hanggang sa dulo?’ At nito ngang napanood na namin ang premiere night ng naturang pelikula, sa Trinoma Cinema 7 nitong Martes, sa pangunguna nina Nash Aguas, CJ Novato, Kristel Fulgar, Kiray Celis at Sharlene San Pedro, ay naintindihan na namin ang ibig sabihin nito. Kasama rin dito sina Yayo Aguila, Adrian Alandy, Dido dela Paz, Alex Medina, Sherry Lara, Michelle Vito, Ethan Salvador, Jomari Angeles, Kelvin Miranda, Nikki Gonzales, Lara Fortuna, Aga Arceo, Shiara Dizon, Hanna Francisco, Justin de Guzman, Dylan Ray Talon, Micah Jackson, Jude Matthew Servilla, John Vic De Guzman, Yvette Sanchez, Jerom Canlas, at Noubikko Ray.
Ang istorya ay umikot sa kwento ng klaseng nag-field trip sa isang bundok, na lingid sa kanilang lahat ay kapupulutan nila ng virus. Dito na nagsimula ang problema ng magkakaklase at magkakaibigan. Ang lesson ng pelikula, huwag basta magtitiwala sa kahit na sino, kahit na kaanak pa, dahil baka sila pa ang manlalaglag sa iyo sa kapahamakan.
Suspense-thriller ang Class of 2018 pero nilagyan din ni Direk Charliebebs Gohetia ng mga nakakatuwang linya para naman hindi magtuluy-tuloy ang katatakutan at para may pahinga rin sa kasisigaw ang mga bida.
Ang nakakaaliw ay hindi kami natakot o nagulat sa pelikula kundi mas nagulat kami at nabingi sa hiyawan ng supporters ng bawat artistang kasama sa Class of 2018.
Ang daming karakter sa pelikula pero nabigyan silang lahat ni Direk Charliebebs ng magagandang highlights lalo na sa oras ng kamatayan nila, kung saan nagpa-flashback ang mga masasayang nangyari sa buhay nila.
Marami na kaming pelikulang napanood na ganito rin ang tema at iilan lang pelikulang nagparamdam sa amin na parang kasali kami sa pelikula, dahil parang naaamoy namin ang kapaligiran, ang marumi at mabahong lugar, gayundin ay naiinis kami sa maaarteng karakter tulad ng role nina Kiray at Michelle Vito.
Pang barkada movie ang Class of 2018 kaya tiyak na patok ito sa mga estudyante at supporters ng bawat artistang bida sa pelikulang produced ng T-Rex Productions.
In fairness, ipalalabas ang pelikula sa 150 cinemas nationwide, kaya walang dahilan para hindi ito mapanood ng lahat.
-REGGEE BONOAN