Sa kulungan ang bagsak ng magpinsan matapos na maaresto sa follow-up operation makaraang holdapin ang isang estudyante sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong Robbery With Violence Against or Intimidation of Person ang mga suspek na sina Ronnie Abiday, 22; at Ker Jayson Javier, 19, kapwa ng Barangay North Bay Boulevard ng naturang lungsod.
Ayon kay Dimple Jane Pascual, 18, sumakay siya sa pampasaherong jeep galing Balut, Tondo, Maynila at pauwi na, dakong 1:19 ng madaling araw.
Bumaba umano siya sa Catleya Street, at naglakad papunta sa kanilang bahay nang sumulpot ang mga suspek at siya ay hinoldap.
Sa takot ng dalaga, ibinigay nito ang kanyang cell phone, na nagkakahalaga ng P5,000, saka tumakas ang mga suspek patungong C-3 Road Bgy. NBBS, Navotas City.
Nagpasaklolo si Pascual sa mga pulis at tuluyang nadakip ang magpinsan sa NBBS.
Nabawi ang cell phone ng biktima.
-Orly L. Barcala