Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng isang bumbero at kanyang kaibigan matapos umanong manipa, magmura at magwala sa loob ng emergency room ng isang pampublikong ospital sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Nakakulong ngayon sa Caloocan City police sina Nino Mabuti, 28, bumbero, nakatalaga sa Mandaluyong City Hall; at Jesse Buenavista, 24, kapwa naninirahan sa Phase 9, Package 2, Block 4, Lot 5, Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City.

Ayon kay Roberto Estrella, 57, security guard ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital na matatagpuan sa Bgy. 188, Tala, Caloocan City, pumasok ang mga suspek sa loob ng emergency room para ipagamot ang kapatid ng bumbero, na umano’y nabundol ng sasakyan.

Dahil standard operation procedure (SOP) ng ospital na pasyente lang ang nasa loob ng ER, pinalabas ng sekyu si Mabuti, ngunit nagalit ito at sinipa sa hita ang una.

Probinsya

Grade 10 student, ginilitan jowang 14-anyos na babae matapos hindi makaiskor?

Dito lumapit sina Jerico Lando, 28, nurse; Charlamagne Sdler, 30, doctor, Leslie Marie Rosario, 87, pediatric consultant; at Evelyn Saldua, 38, nursing attentant, para pakalmahin ang bumbero, pero lahat sila ay pinagmumura ng huli.

Dito na humingi ng tulong ang iba pang kawani ng ospital sa mga barangay tanod at hinuli si Mabuti, habang si Buenavista ay nakatakbo, ngunit makalipas ang ilang minuto ay nahuli rin siya ng mga operatiba ng Station Investigation Unit ng North Extension Department.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong alarm and scandal, slight physical injury at oral defamation (5 counts).

-Orly L. Barcala