Inaasahan na ang pagkalat ng mga tarpaulin ng mga kakandidato na babati sa mga nagtutungo sa sementeryo para bisitahin ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay sa Araw ng mga Patay.
Kaya naman, umaapela ang Commission on Elections (Comelec) sa aspirants na huwag samantalahin ang okasyon at iwasan ang ganitong gawain.
“(Let’s) Avoid those Happy Undas,” ani Comelec Spokesperson James Jimenez sa ‘Tapatan’ forum sa Manila, kahapon. “We all know that those running they do take advantage of every single social event imaginable.”
Isinuhestiyon ni Jimenez sa mga kakandidato na sa halip ay gumawa ng mas makakabuluhang bagay tulad ng pagkakaloob ng road side assistance sa mga magtutungo sa lalawigan. “You know make it relevant. Make it useful,” aniya.
Gayunman, aminado si Jimenez na hindi nila maaaring pigilan ang mga kandidato sa premature campaigning “but we are appealing to their delicadeza.”
-Leslie Ann G. Aquino