Nalagutan ng hininga ang isang security guard nang masagasaan ng 10-wheeler truck habang nagbibisikleta sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Darwin Erandio, 41, residente ng 258 C.M. Recto Avenue, San Nicolas, Maynila, habang ang suspek naman ay si Christian Pentinio, 23, ng Kaybuboy Bridge, Sucat Road, San Dionisio, Parañaque City.

Sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang aksidente sa Delpan Bridge sa Tondo, malapit sa Delpan Evacuation Center, dakong 7:30 ng gabi.

Sakay sa bisikleta ang biktima at binabagtas ang naturang tulay at pagsapit sa pababang bahagi ay nasabit sa minamanehong truck ni Pentinio, Mitsubishi Tractor Head (UYD-552), at may hilang trailer (PUU-470).

National

Meralco, tapyas-singil sa kuryente ngayong Mayo

Dahil dito, sumemplang ang biktima at bumagsak sa kalsada hanggang sa nasagasaan.

Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad si Pentinio, na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.

-Mary Ann Santiago