Arestado ang isang lalaki habang patuloy na tinutugis ang kapatid nito dahil umano sa panghahalay sa isang Grade 11 student sa Malabon City, nitong Huwebes ng hatinggabi.
Kinilala ang naaresto na si Rommel Sta. Maria, 20, ng No. 31 Camus Extension Barangay Ibaba ng lungsod, habang patuloy na hinahanap si Roan Jay, 22, ng nasabi ring lugar.
Ayon sa biktima, 18, niyaya siya ng mag-utol na Sta. Maria at ng dati niyang nobyo na mag-inuman sa bahay ng magkapatid, dakong 9:00 ng gabi.
“Tiwala naman ako kasi mga kaibigan ko naman sila (mga suspek),” pahayag ng dalagita.
Pagsapit ng 12:00 ng hatinggabi, nagpaalam na ang dating nobyo ng biktima para umuwi. Tumayo umano ang biktima at sinabing sasabay na lang ito sa dating nobyo, ngunit pinigilan siya ng magkapatid at niyaya pang ubusin ang alak.
Walang nagawa ang biktima at nakipag-inuman sa magkapatid na Sta. Maria.
Dahil lango na sa alak at wala na sa sarili ang magkapatid, magkasunod na hinalay ng magkapatid na Sta. Maria ang biktima.
Ipinagtapat ng biktima sa kanyang ina ang nangyari at humingi ng tulong sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ni Rommel.
Kakasuhan ng rape ang magkapatid.
-Orly L. Barcala