Patay ang isang driver habang sugatan ang isa pa nang tambangan ng ‘di pa nakikilalang mga suspek sa magkahiwalay na insidente sa Binondo, Maynila at Antipolo City, kamakalawa.

Dead on the spot si Basit Tomas, tricycle driver, ng Barangay 649, Baseco Compound, Port Area, Maynila, dahil sa isang tama ng bala sa ulo, habang sugatan at nilalapatan ng lunas sa ospital sa Antipolo si Armando Masangkay, dahil sa tama ng bala sa katawan.

Sa ulat ni Police Insp. Glenzor Vallejo, ng Manila Police District- Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), tinambangan ng ‘di pa nakikilalang armado si Tomas sa Road 10, kanto ng Delpan Street sa Binondo, harap ng Leonardo B. Fugoso Sport Complex, bandang 3:10 ng hapon.

Binabagtas umano ng biktima ang lugar, sakay sa tricycle, nang agapayanan ng isa pang tricycle at binaril ng pasahero.

Eleksyon

Philip Salvador, masayang number 1 sa boto 'beshy' na si Sen. Bong Go

Nang makitang napuruhan ang biktima, mabilis na tumakas ang suspek.

Resbak ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa krimen matapos na sabihin ng pinsan ng biktima, si Sulaiman Amlang, na bago nangyari ang krimen ay may nakaaway na kapwa tricycle driver ang biktima.

Samantala, tinambangans si Masangkay sa Bgy. Dalig, Antipolo City, bandang 5:30 ng hapon.

Minamaneho ni Masangkay ang isang Toyota Innova at pagsapit sa naturang lugar ay pinagbabaril ng dalawang suspek.

Hindi nasiraan ng loob si Masangkay at pinaharurot ang kanyang sasakyan patungo sa barangay hall ng Bgy. Dalig at nakahingi ng tulong.

Patuloy na inaalam kung sino ang nasa likod ng nasabing mga insidente.

-Mary Ann Santiago