Pinayuhan ng dating pinuno ng church-based poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), na si dating Ambassador Henrietta De Villa, ang mga botante na hanapin ang tatlong ‘K’ sa mga ihahalal sa Mayo 13, 2019.

Dapat aniyang tiyakin ng mga botante ang “karakter, kakayahan at katapatan” ng mga kandidato para sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan bago magdesisyon kung iboboto ang mga ito.

Paliwanag ni De Villa, mahalagang malaman na mabuting tao, may kakayahang mamuno, at tapat sa kanyang mga bibitiwang pangako ang mga maluluklok na opisyal ng gobyerno.

“Iproseso n’yo po ‘yung pagpili sa inyong kandidato na sila ay atleast merong tatlong ‘K’: Karakter – kasi kailangan malaman natin kung anong pagkatao nila, kasi hindi mo maitatago ‘yun, lalabas at lalabas kung ano ‘yung ugali ng kandidato.

Eleksyon

John Arcilla, naispatan bukbuking mesa sa classroom: 'Asan ang budget sa edukasyon?'

“Pangalawa po na sila ay may Kakayahan–kung tumatakbo sila bilang senador, may kakayanan ba sila? May sapat na kakayanan para maging mabuting senador. At Pangatlo, Katapatan–kailangan ‘yung katapatan ng mga kandidato suriin natin, kilatisin natin. Sila ba ay tapat sa mga pangakong ibinigay nila,” sinabi ni De Villa sa panayam ng Radyo Veritas.

-Mary Ann Santiago