Hindi na nakalabas nang buhay ang 26-anyos na ina at dalawa nitong anak, kabilang ang isang-taong gulang na lalaki, nang matusta ang mga ito sa isang oras na sunog sa Alfonso, Cavite, nitong Miyerkules ng hapon.

Halos hindi na makilala si Lovely Demillo Jasssem at sina Rylai Lexi, 5; at Rijin Lex, 1, nang matagpuan sila ng mga bumbero sa kanilang bahay sa Barangay Poblacion IV, bandang 2:30 ng hapon.

Sa paunang imbestigasyon ni PO3 Boyet Soriano, ng Alfonso Police, isang napabayaang kawali na nakapatong sa gas stove ang sanhi ng sunog, sa ganap na 1:30 ng hapon.

Inaalam pa ng pulisya kung natutulog ang mag-iina nang maganap ang insidente.

Politics

Sen. Imee, ikinokonsidera daw maging Senate President?

Una rito, ipinagluto ni Lovely ng ulam ang kanyang ina at dalawa niyang anak.

Umalis sa bahay ang ina ni Lovely at dumalo sa isang piyesta sa Bgy. Mangas sa nasabing bayan.

Sa pahayag ng pamangkin ni Lovely na si Ashley Rollon Demillo, agad siyang tumakbo sa bahay ng mag-iina nang makita ang makapal na usok mula sa lugar.

Tinangka umano niyang buksan ang pinto ng bahay ng mga biktima, ngunit nakakandado ito.

Hiwalay umano sa asawa si Lovely.

-Anthony Giron