IBA, Zambales - Tatlong katao ang nasawi, kabilang ang dalawang driver, habang siyam na iba pa ang nasugatan nang salpukin ng isang pampasaherong van ang isang jeep sa Barangay San Agustin, Iba, Zambales, nitong Miyerkules ng gabi.
Sa report kay Zambales Police Provincial Office (ZPPO) chief Senior Supt. Felix Verbo, binangga ng UV express van na minamaneho ni Emmanuel Villar, 43, ang Hummer jeep na minamaneho ni Joseph Elmark Demapayo, 26, sa national highway ng nasabing bayan, dakong 11:45 ng gabi.
Binabagtas ng van ang kalsada pahilaga nang masalpok nito ang kasalubong na jeep.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, naipit sa loob ng sasakyan si Villar habang si Demapayo at pasahero nitong si Aldrin De Guia, 32, ay parehong tumilapon mula sa sasakyan.
Isinugod naman sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital ang mga nasugatang sina Mark Joseph Mayo, 31; Annabel Morados, 31; Joymee Maranoc, 28; Jeffrey Edejer, 42; Christelle Quito, 24; Mark Ryan Achacoso, 23; Elaine Castro, 22; Oscar Mas; at Janine Gonzales, 25 anyos.
-Jonas Reyes