Isang pulis, na itinuturong isa sa mga supplier ng mga armas sa mga political warlords sa hilagang bahagi ng Luzon, ang inaresto habang nagbebenta umano ng mataas na kalibre ng baril malapit sa national police headquarters sa Camp Crame sa Quezon City.
Ayon kay Chief Supt. Benigno Durana, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), sa pagba-background check kay PO2 Jai Awal Pingli, ng Pasay City Police-Station 1, ay nadiskubre na ito umano ang pangunahing pinagkukunan ng baril ng kanyang mga kamag-anak, na iniulat na sangkot sa kidnap-for-ransom activities sa Zamboanga City.
“He is involved in gunrunning activities in Region 1, Cordillera particularly in Kalinga province and National Capital Region where some of his customers are politicians,” ani Durana.
Matapos na maberipika ang impormasyon, inaresto ng mga operatiba ng Counter-Intelligence Task Force at police intelligence agents si Pingli sa 3rd Avenue, Bagong Lipunan, sa Crame, Quezon City, nitong Martes.
Dinampot si Pingli kasama si Jose Dalayre, makaraan umano nilang bentahan ng M16 rifle at 9mm pistol ang poseur buyer.
Ayon kay Durana, si Pingli ay kamag-anak ng mga leader ng Pingli Brothers, na matinik na kidnap-for-ransom group sa Zamboanga City, at sa kalapit na lugar.
-Aaron Recuenco