Nasa 2,000 traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ide-deploy sa mga pangunahing sementeryo sa buong Metro Manila simula sa Sabado, Oktubre 27 hanggang sa Nobyembre 3.

Ayon sa MMDA, ipatutupad din ng ahensiya ang “no day off, no absent” policy sa mga traffic personnel nito bilang paghahanda sa Undas.

Inatasan din ng MMDA ang mga traffic enforcer na magmando ng trapiko at mangasiwa sa parking sa mga pangunahing sementeryo sa Metro Manila.

Babala ng MMDA, katuwang ang Inter-Agency Council for Traffic (IACT), hahatakin nila ang mga sasakyang ilegal na nakaparada at babaklasin ang lahat ng sagabal sa trapiko patungo sa mga sementeryo.

Internasyonal

Dating posisyon ni Pope Leo XIV, ipinasa kay Cardinal Tagle

Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na ipauubaya nila sa mga local government unit (LGU) ang paglilinis sa loob ng mga sementeryo.

Kaugnay nito, suspendido ang number coding scheme sa Nobyembre 1 at 2, All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Asahan na rin ang pagpapatupad ng MMDA at ng mga lokal na pamahalaan ng traffic re-routing sa mga lugar na apektado sa paggunita ng Undas.

-Bella Gamotea