Ni EDWIN ROLLON
MMA star Mark Striegl, lumabag sa drug-testing protocol ng GAB.
PAG lumabag sa regulasyon, walang sasantuhin ang Games and Amusement Board (GAB).
Ito ang mapait na katotohanan kay mixed martial arts star fighter Mark Striegl matapos patawan ng anim na buwang suspension ng professional sports regulatory agency ng bansa nitong Oktubre 15, 2018 bunsod ng pagtangging sumailalim sa post-match drug testing na isang pamantayan na ipinatutupad ng GAB.
Kinumpirma ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang desisyon ng three-man GAB Board na suspindihin ang 24-anyos na international MMA campaigner.
“We also warned him that we will revoked his licensed if he repeats disregarding the GAB rules,” pahayag ni Mitra.
“The decision is also a stern warning sa iba pang atleta, ma-pa boxing, MMA, basketball at football na hindi kami nagpapabaya sa GAB lalo na at nalalabag ang aming pamantayan at ipinatutupad na regulasyon,” ayon kay Mitra.
Iginiit ni Mitra na hindi blacklisted si Striegl dahil nagawa naman nitong sumagot at magpaliwanag sa naging aksiyon niya matapos matanggap ang ‘motu proprio complaint na may petsang Oktubre 2.
Sa report ng GAB Boxing and Other Contact Sports Division, gayundin ng Medical Section, nabigo si Striegl na sumailalim sa post-match drug testing matapos ang kanyang laban kontra Korean Do Geom Lee para sa URCC World Featherweight championship nitong Setyembre 29 sa Smart-Araneta Coliseum.
“Under the rules and regulation governing professional mixed martial arts in the Philippines, drug-testing is mandatory after all international and Philippine championship,” ayon sa pahayag ng GAB.
Ayon kay Mitra, hindi nagkukulang ang mga kinatawan ng GAB na ipaliwanag ito sa mga fighter at kinukuha ang kompirmasyon mismo ng mga fighters bago ang pagsabak sa laban.
“Malinaw ang ating regulasyon at mahigpit po tong ipinatutupad ng GAB,” pahayag ng dating Palawan Governor at Congressman.
Isa ang Filipino-American sa crowd-drawer ng MMA promotion sa bansa, gayundin sa international promotion na ONE Championship