Isang construction worker ang nagtamo ng matinding pinsala, kabilang ang pagkaputol ng bahagi ng kaniyang dila at pagkasira ng mga ngipin, matapos umanong pagtulungang bugbugin ng ilang kalalakihan sa Barangay Poblacion, Makato, Aklan.
Kinilala ang biktima na si alyas “Dominic,” residente ng Barangay Calangcang, Makato, na nananatiling nagpapagamot at naka-isolation sa Aklan Provincial Hospital.
Ayon sa asawa ng biktima na si Ailyn, papunta sana si Dominic sa isang lamay nang mangyari ang insidente sa bahagi ng crossing patungo sa highway sa Barangay Poblacion.
Sinabi ni Ailyn na nasaksihan mismo ng kanilang 11-anyos na anak ang umano'y pambubugbog sa kaniyang ama ng hindi bababa sa dalawang lalaki. Agad umano nitong ipinaalam ang nangyari sa kanilang pamilya.
Pagdating sa lugar, nadatnan umano si Dominic na duguan at may matinding pinsala sa mukha. Ayon sa pamilya, bukod sa pagkasira ng kaniyang mga ngipin ay naputol din ang bahagi ng kaniyang dila, na pinaniniwalaang nakagat niya habang binubugbog.
Naiparekord na umano sa pulisya ang insidente. Gayunman, sinabi ng pamilya na hindi naaresto ang mga itinuturong suspek matapos umanong i-refer sa barangay ang usapin.
Ayon pa sa pamilya, nakipag-usap ang mga suspek hinggil sa gastusin sa pagpapagamot ng biktima, ngunit minsan lamang umano silang nagbigay ng ₱1,500 bilang tulong.
Nananawagan ngayon ang pamilya ng biktima ng tulong pinansyal upang matustusan ang patuloy na pagpapagamot ni Dominic. Humihingi rin sila ng tulong sa sinumang nakasaksi sa insidente upang lumutang at magbigay ng pahayag.
Nakatakda ring bumalik ang pamilya sa himpilan ng pulisya upang ituloy ang pagsasampa ng kaukulang reklamo laban sa mga itinuturong suspek.
Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang Makato Municipal Police Station kaugnay ng estado ng imbestigasyon at sa pagkakakilanlan ng mga suspek.