May mga panalanging inaabot ng maraming taon bago dinggin. May mga pangarap na sinusubok muna ng panahon. Ngunit para sa isang ina, ang pitong taong paghihintay sa munting himala ay nauwi sa panibagong laban—hindi lamang para sa buhay ng kanyang sanggol, kundi para rin sa pag-uwi nilang mag-ina mula sa ospital.
Usap-usapan ang Facebook post ng isang inang kumakatok sa puso ng mga netizen matapos siyang manganak ng isang pre-term baby sa isang pribadong ospital.
Ayon sa kaniya, dalawang linggo na ang nakalipas mula nang siya ay ma-confine at isilang ang sanggol na pitong taon nilang ipinagdasal ng kaniyang mister.
"Dalawang linggo na ang lumipas nang ma-confine at makapagsilang ng isang preterm baby sa isang pribadong ospital na hindi ipinilit kahit wala nang sapat na badyet pero pinili para mabuhay ang isang munting anghel na pitong taong hinintay," saad ni Mary Jane Villanueva, isang instructor sa kolehiyo.
Ibinahagi rin niyang kabilang siya sa mga nagkaroon ng high-risk pregnancy. Sa simula, inakala nilang kakayanin nila ang gastusin dahil pareho silang may trabaho ng kaniyang asawa at mayroon silang naipon.
Ngunit habang lumalala ang kaniyang kondisyon at kinailangan niyang mag-bed rest, unti-unti ring naubos ang kanilang ipon dahil sa sunod-sunod na gastusin sa pagpapagamot.
"Dito mo malalaman na walang saysay ang daang libong ipon kapag ang pinag-uusapan na ay ang agarang gamutan para makasalba ang isang sanggol sa iyong sinapupunan."
Sinabi ng ina na dumating na sila sa puntong hindi na nila alam kung saan pa hihingi ng tulong.
Aniya, nananatili pa rin siyang naka-confine dahil hindi na nila kayang bayaran ang lumolobong hospital bill.
Habang siya ay nasa ospital, ang kaniyang asawa naman ay walang tigil na lumalapit sa iba't ibang ahensya upang makahingi ng tulong para maibsan ang kanilang bayarin. Ngunit kapalit nito ay ang pagkawala rin ng kita dahil hindi na ito makapasok sa trabaho.
"Lahat ng paglapit sa mga ahensyang magpapabawas dito ay inasikaso ng kapareha pero kapalit nito ang hindi rin niya pagpasok sa trabaho dahilan para lalo kayong mabaon habang lumalakad din ang bayarin sa bawat araw."
Mas masakit pa umano sa kaniya ang isiping habang naghihintay siyang makalabas ng ospital, ang kaniyang sanggol ay patuloy pa ring lumalaban sa loob ng incubator at may hiwalay ding hospital bill na kailangang bayaran.
"Mas nakakadurog sa pusong isipin kung paano ka makakaalis kasabay ng anak mong nasa incubator pa rin hanggang ngayon at alam mong may hiwalay ding hospital bill na lagpas sa ulo."
Sa huli, nakiusap ang ina sa sinumang makababasa ng kaniyang post na ipagdasal ang kanilang pamilya at, kung may kakayahan, ay tulungan silang makabangon sa isa sa pinakamabigat na yugto ng kanilang buhay.
"Sa mga makababasa ng bukas na liham kong ito, matulungan niyo nawa kaming makalagpas sa matinding pagsubok na aming kinakaharap, financially man o panalangin."
May hashtags ang kaniyang post na "#LabanNgIsangIna" at "#ParaSaSanggolNaLumalaban."
Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens, na naantig ang damdamin sa kaniya at naghayag ng kagustuhang tumulong sa kaniya.
"Anak, tatagan mo lang may awa ang Panginoon!"
"Praying for you po, Ma'am, and for your baby. Wishing you both good health, strength, and God's protection always. Take care po, and God bless."
"Sending hugs and prayers mam."
"God will provide. Praying for you and your baby."
Photo courtesy: Screenshot from Mary Jane Villanueva/FB
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mary Jane, hindi raw niya akalaing marami ang maaantig sa kaniyang post. Marami kasi ang naka-relate sa kaniya, lalo na sa mga kagaya niyang first-time mother.
Nakikiusap at kumakatok daw siya sa puso ng mga netizen na sana raw ay matulungan sila ng kaniyang baby, na pitong taon nilang hinintay ng kaniyang mister bago ipagkaloob sa kanila ng Diyos.
"Seven years kaming hindi nagkaanak pero ngayon meron na, sobra yung pagsubok," aniya.
"Simot na kasi savings namin kasi panay ospital, ER, gamutan ko po at strictly bed rest ako pero nagsilang pa rin ako ng premature na baby na ngayon nasa incubator," aniya.
Aminado rin si Mary Jane na nakakaramdam na siya ng "post-partum disorder" kaya nagawa na niyang mag-post sa social media.
"Gusto ko na sanang makalabas kasi iyak ako nang iyak at sobrang depressed na ko," aniya.
"Gusto ko humingi ng tulong sa kalagayan namin ng baby ko," aniya pa.
Sa mga nagnanais magpaabot ng tulong kay Mary Jane, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa kaniyang social media account, para sa mga detalye.