Kinagigiliwan ng netizens ngayon ang grupo ng Spiderman cosplayers na humataw sa hit song “Oohh Lala Baby” ng Pinoy girl group na Baby Dolls matapos ang sabay-sabay nilang pagrampa sa isang mall sa bansa noong Linggo, Agosto 2.
Mapapanood sa viral TikTok reel ng netizen na may username na “VLD” ang bibong-bibong paghataw ng Spiderman cosplayers sa tapat ng sinehan sa SM Naga City.
Habang iba-ibang baryasyon ng Spider-Man characters ang makikita sa reel, hindi naman nagpatalbog ang bawat isa sa kanilang pagpitik, paggiling, at pag-split.
Sa hiwalay na video, mapapanood na nagmistulang santacruzan ng mga Spider-Man ang SM Naga City dahil sa sabay-sabay nilang paglalakad papunta sa sinehan.
Sa kabilang banda, hindi naman pinalagpas ng netizens na humirit sa kakatwang showdown at pagrampa ng Spider Man cosplayers sa mall.
“Eto na ba yung Spiderman: Brand-new Slay?”
“Kaninong panaginip to? ”
“andami na po palang members ng babydolls?”
“Spiderman: Umuwi na kayo”
“bet may introvert dyan na sumali tapos lumabas pagka extrovert kasi nakasuit nmn sya”
Sa kaugnay na ulat, patuloy na dinadagsa sa mga sinehan sa iba’t ibang parte ng bansa ang “Spider-Man: Brand New Day” na ikaapat na pelikula ni Tom Holland sa Marvel Cinematic Universe matapos ang “Spider-Man: No Way Home” noong 2021.