Tatlong katao ang nasugatan makaraang magliyab kahapon ang nasa 50 bahay sa Happyland sa Tondo, Maynila, na sanhi umano ng pot session sa isa sa mga bahay sa lugar.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasugatan na sina Aida Tesoro, na natusok ng pako ang paa habang nagsasalba ng mga gamit; Rodel Guevarra, 27, na sumaklolo upang magsalba ng mga gamit; at BJ Jerome, 26, na aminadong “usisero”, at kinailangang isalba nang mag-collapse.

Sa pahayag ni Senior Insp. Redentor Alumno, ng Manila Fire Bureau sa Balita, nagsimula ang apoy sa dalawang palapag na bahay kung saan umano nagpo-pot session ang mga residente.

“Some witnesses told us that there is a pot session ongoing in the area but we are still conducting an investigation whether the said person was part of the barangay’s watchlist,” ani Alumno.

Politics

13 senador, 'backer' na ni Tito Sotto sa pagiging Senate President—Lacson

Mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa light materials at magkakadikit ang mga bahay, dagdag niya.

Ayon sa arson investigators, sumiklab ang apoy sa ganap na 12:00 ng tanghali at umabot sa ikalawang alarma pagsapit ng 12:03 ng tanghali, bago naapula ganap ng 2:44 ng hapon.

Sinabi ni Alumno na nasa P100,000 ang naabong ari-arian.

-Erma R. Edera at Mary Ann Santiago