August 06, 2026

Home BALITA National

Malacañang umaasang hindi 'mangmang' mga pumirma sa isang petisyon ukol sa Pax Silica

Malacañang umaasang hindi 'mangmang' mga pumirma sa isang petisyon ukol sa Pax Silica
Photo courtesy: RTVM/YT, MB


Umaasa ang Palasyo na hindi “mangmang” ang mga indibidwal na pumirma sa isang petisyon na may kinalaman sa kontrobersyal na Pax Silica.

Kaugnay ito ng petisyong inihain ng mga grupo gaya ng BAYAN at International League of Peoples’ Struggles ukol sa nasabing proyekto—na nakakalap na ng higit 387,000 verified signatures.

Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Agosto 6, tahasang ipinahayag ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na mas maganda umanong mabigyan ng tamang impormasyon ang mga Pilipino hinggil sa isyu ng Pax Silica.

“Siguro mas maganda lamang po na mabigyan sila ng tamang impormasyon kung paano ang Pax Silica na gagawin, at kung paano ito makakabuti sa ating bansa,” saad ni Usec. Castro.

Aniya, “Kasi ang nakikita po natin sa ngayon, marami po sa socmed na puro negatibo ang naipapakita… Katulad na lamang po na maaaring mapaalis ang mga magsasaka sa nasabing lugar.” 

“Pero ang sabi nga natin, year 2019, ay na-allocate na po ang 3,500 na buildable zones. So, ‘yong 3,500 hindi na po ito dapat na sinasaka. Mayroon pong mga lugar na para sa ating mga magsasaka sa nasabing lugar,” dagdag pa niya.

Diin pa ng press officer, sana raw ay alam ng mga pumirma ang mga detalye ng programa.

National

Vida sa naglabas ng info na nahuli si Sen. Bato: 'Baka nagpapapansin lang!'

“So, siguro, tama lang na pagbibigay ng impormasyon sa ating mga kababayan, sa lahat ng mga pumirma diyan, we hope na noong pumirma kayo ay alam n’yo ang detalye patungkol dito,” anang press officer.

“Hindi sila muwang, hindi sila mangmang sa kung ano ang Pax…Fox Sili… Fox Sili… Pax Silica. Sana alam nila talaga kung ano ang nilalaman ng agreement na ito,” pagtatapos ni Usec. Castro.

Matatandaang umaani ng negatibong reaksiyon mula sa marami ang Pax Silica dahil sa umano’y masamang epekto nito sa kalikasan—at maging sa suplay ng kuryente at tubig ng bansa.