August 06, 2026

Home BALITA National

Usec. Castro, binirang 'most-biased' pagpuntirya ni Sen. Imee sa SDO ni VP Sara!

Usec. Castro, binirang 'most-biased' pagpuntirya ni Sen. Imee sa SDO ni VP Sara!
Photo courtesy: PCO, Senate of the Philippines

Direktang sinagot sa publiko ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na “biased” umano ang naging pagpuntirya ng isang senator-judge sa Senate impeachment trial sa mga dati lang na Special Disbursing Officer (SDO) ni Vice President Sara sa pagkubra ng confidential funds noon. 

Kaugnay nito, matatandaang si Senator-Judge Imee Marcos ang kumuwestiyon sa testigong dating state auditor sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ng Commission on Audit (COA) na si Atty. Roderick Wamil noong Miyerkules, Agosto 5, na hindi raw maituturing na “payee” si VP Sara sa nakubra ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na confidential funds.

Depensa ni Marcos, malinaw raw na sina dating Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta at Edward Fajarda ng OVP at DepEd ang may pananagutan umano sa nakubrang confidential funds ng mga nabanggit na ahensya.

“Kasi ang liwa-liwanag na hindi naman si Vice President ang payee. Hindi naman sinasabi na nasa kaniya na ‘yong pera. Ang liwanag sa inyong joint circular na that the Special Disbursing Officer is the one who was designated by the head of the agency to have custody,” ani Marcos. 

Diin pa niya, “In the case of the OVP, si Acosta ‘yon. Sa case ng DepEd, hindi ba si Fajarda ‘yon?”

National

Malacañang umaasang hindi 'mangmang' mga pumirma sa isang petisyon ukol sa Pax Silica

KAUGNAY NA BALITA: Llamas kina Sen. Alan, Sen. Imee: 'Mga engot, lalong nilubog si Sara!'

Sa naging press briefing naman ni Castro nitong Huwebes, Agosto 6, tinanong siya ng media kung ano raw ang maituturing niya at ng PCO na “most damaging” o “most biased” na ginawa ng mga senator-judge sa impeachment trial. 

“Based on the findings of PCO and your observation, ano ‘yong most damaging or most biased statement from senator-judges that you have heard throughout the impeachment trial?” urirat ng mamamahayag na si Kat Domingo. 

Direktang sagot ni Castro, walang iba kundi ang naging pagsasabi ng senator-judge na dapat ang mga SDO lang daw ang managot at nalimutan daw ata na may head of agency ang mga ahensya ng gobyerno. 

“Na ang dapat managot lamang ay ang SDO. Nakalimutan na may head of agency,” matipid na tugon ni Castro. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, pahayag, o reaksyon ang naturang senador kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Heidi Mendoza kay Sen. Padilla: 'May pondo sa edukasyon, may pondo para sugpuin rebelyon!'