Tumirada ang political pundit na si Ronald Llamas kina Senator-Judge Alan Peter Cayetano at Senator-Judge Imee Marcos, kaugnay sa impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Kaugnay ito sa naging pagbanggit ni Cayetano sa Senate impeachment trial noong Miyerkules, Agosto 5, na hindi raw conclusive o final presumption ang prima facie presumption, kundi isang disputable presumption lang.
“A prima facie presumption is a disputable presumption. It is now a conclusive presumption,” ani Cayetano.
Buwelta naman ni Marcos sa testigong si dating state auditor sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ng Commission on Audit (COA) na si Atty. Roderick Wamil noon ding Miyerkules, sinabi niyang maliwanag daw na hindi maituturing na “payee” si VP Sara sa nakubra ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na confidential funds noon.
Depensa ni Marcos, malinaw raw na sina dating Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta at Edward Fajarda ng OVP at DepEd ag may pananagutan umano sa nakubrang confidential funds ng mga nabanggit na ahensya.
“Kasi ang liwa-liwanag na hindi naman si Vice President ang payee. Hindi naman sinasabi na nasa kaniya na ‘yong pera. Ang liwanag sa inyong joint circular na that the Special Disbursing Officer is the one who was designated by the head of the agency to have custody,” ani Marcos.
Diin pa niya, “In the case of the OVP, si Acosta ‘yon. Sa case ng DepEd, hindi ba si Fajarda ‘yon?”
Sa naging tugon naman ni Llamas sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Agosto 6, sinabi niyang parang inamin lang daw ni Cayetano na nasa semi-finals na umano ang usapin sa confidential funds kung hindi pa raw pinal ang prima facie evidence ng COA.
“Sabi ni Boy Neutral Alan Peter, COA prima facie evidence isn’t final. Eh d Inamin niyang nasa semi-finals na dahil may strong presumption of illegality,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa FB post ni Llamas.
Tirada naman ni Llamas kay Marcos, parang inamin na rin daw ng huli na na-misuse ang pondo noon nina VP Sara.
“Hirit naman ni Imee, staff ang responsable, not Sara. Eh ‘d inamin niyang na misuse ang pondo,” anang political pundit.
“Mga engot! Lalong nilubog si Sara,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon sina Cayetano at Marcos kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Heidi Mendoza kay Sen. Padilla: 'May pondo sa edukasyon, may pondo para sugpuin rebelyon!'
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Sino si Atty. Lorna Kapunan ng prosecution panel?