August 06, 2026

Home BALITA National

Heidi Mendoza kay Sen. Padilla: 'May pondo sa edukasyon, may pondo para sugpuin rebelyon!'

<b>Heidi Mendoza kay Sen. Padilla: 'May pondo sa edukasyon, may pondo para sugpuin rebelyon!'</b>
Photo courtesy: Heidi Mendoza, Senate of the Philippines

Sinagot ni dating komisyoner ng Commission on Audit (COA) Heidi Mendoza ang naging pahayag ni Senator-Judge Robin Padilla kaugnay sa pag-akyat sa bundok ng mga auditor ng Commission on Audit (CAO). 

Matatandaang kinuwestiyon ni Padilla sa Senate impeachment trial noong Miyerkules, Agosto 5, 2026,  ang testigong si Atty. Roderick Wamil kung nakaakyat na ba raw ito sa mga bundok sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at idiniin niyang may mga “Pangkat-Politikal” daw na nagmumula sa mga estudyanteng nanggagaling sa Department of Education, o sa mga unibersidad. 

“Ang DepEd, diyan po nanggagaling ang tinatawag naming, sa Communist Party po ano, meron po kasing Pangkat-Guerilla at Pangkat-Politikal, ‘yong mga estudyante na nanggagaling sa unibersidad,” anang senador. 

Sa naging tugon naman ni Mendoza sa kaniyang social media post nitong Huwebes, Agosto 6, sinabi niyang hindi na raw siya nakatiis para sulatan si Padilla. 

Aniya, nakaakyat na raw siya sa mga bundok at nakatawid sa mga ilog noon dahil sa Rebel Returnees’ Fund ang pangunahin nilang ino-audit. 

National

Palasyo, inaming bumaba economic growth ng PH dahil sa korapsyon, Middle East tension

“Umakyat din po kami ng bundok at nagbilang ng coconut trees kasi nag-audit po kami ng Phil Coconut Authority nuon,” pagbabahagi niya. 

Diin ni Mendoza, naranasan na rin daw niyang mapaulan ng bala ng baril ang kaniyang kasamahan sa Lanao. 

“Napunta na rin po kami ng BARMM, may kasamahan kaming pinaulanan ng bala habang nasa Lanao. Naranasang akyatin ang tinutuluyang staff house, etc. Ganyan po ka exciting ang buhay auditor,” aniya. 

Ani Mendoza, hindi raw drama lang na maituturing kung marami raw ang mga auditors na nagretiro dahil sa hirap ng kanilang trabaho. 

“Kung mamalasin ay kukulangin pa sa pambili ng gamot kapag nagkaroon ng malubhang karamdaman bunga ng stress sa trabaho at stress na rin tuwing may hearing, impeachment man o simpleng budget hearing. Lalo na kung court hearing,” buwelta niya. 

Pagpapatuloy ni Mendoza, may pondo raw na nakalaan para sa edukasyon at para sugpuin ang rebelyon sa bansa depende sa mandato at kakayahan ng mga ahensya ng pamahalaan. 

“May pondo po para sa education, may pondo rin para sugpuin ang rebelyon. Ibinabagay yun sa mandato at kakayanan ng ahensya!” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Padilla kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Dennis, umaaray kapag tinatawag na bobo si Sen. Robin: 'I hate that word!'

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, kakampi si Rizal sa pagsusulong ng federalismo—Sen. Alan