August 06, 2026

Home BALITA Probinsya

Magkaibigang namimitas ng santol para sa Nutrition Month, patay matapos makuryente!

Magkaibigang namimitas ng santol para sa Nutrition Month, patay matapos makuryente!
Photo ocurtesy: Unsplash

Nauwi sa trahedya ang paghahanda ng dalawang 11-anyos na mag-aaral para sa pagdiriwang ng Nutrition Month matapos silang kapwa makuryente habang namimitas ng santol sa Barangay Luma, Kiamba, Saranggani.

Kinilala ang mga nasawi na sina Alex Palmes at Clyde Glenn Tercio, kapwa 11 taong gulang at residente ng nasabing barangay.

Batay sa paunang impormasyon, gumamit ang dalawang bata ng mahabang panungkit ng prutas nang aksidente itong sumayad sa isang live electrical wire. 

Dahil dito, dumaloy ang malakas na kuryente sa kanilang gamit na naging sanhi ng kanilang matinding pagkakakuryente.

Ayon sa mga kaanak, unang nakuryente si Alex habang sinusubukang mamitas ng santol. Tinangka naman umano ni Clyde na saklolohan ang kaniyang matalik na kaibigan, ngunit mabilis ding gumapang sa kaniya ang kuryente.

Probinsya

Nakaidlip na guwardiya, naisahan ng kawatan; baril niya, nadekwat na pala!

Agad na dinala sa pinakamalapit na ospital ang dalawang bata, subalit kapwa na silang idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Labis ang pagdadalamhati ng mga pamilya, kapitbahay, guro, at mga kaklase ng dalawang bata, na umano'y naghahanda lamang ng mga santol na dadalhin sana sa culminating activity ng kanilang paaralan para sa Nutrition Month.

Personal ding nakiramay at nagbigay ng tulong sa mga naulilang pamilya si Maitum Mayor James Basquinez Reganit. Sa kaniyang pahayag sa social media, sinabi niyang nakalulungkot na nauwi sa trahedya ang simpleng hangarin ng dalawang bata na makapag-ambag sa selebrasyon ng kanilang paaralan.

Kasunod ng insidente, muling nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na maging lubhang maingat sa pamimitas ng prutas, lalo na kung malapit ito sa mga linya ng kuryente. 

Pinayuhan din ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak at iwasang gumamit ng mahahabang metal o iba pang kagamitan sa mga lugar na may overhead power lines upang maiwasan ang kahalintulad na aksidente.