INABANGAN namin ang showdown sa pagitan ng defending champ ng “Tawag ng Tanghalan” ng It’s Showtime na si Girlie Las Piñas, at ng daily winner na puwedeng maging kapatid ni Maymay Entrata, si Mayleah Gom-os, pero walang showdown na naganap.
Agad naming kinontak ang publicity head na si Kane Ochoa para alamin kung ano ang nangyari.
“Hindi na niya (Girlie) idinepensa ang position niya as defending champion. Pero pasok siya sa semi-finals,” sabi ni Mr Ochoa. “Naisip lang namin na mas ginusto ni Girlie na maalala ng tao bilang reigning champion kaysa mabawi sa kanya ang titulo.”
Marami ang naantig sa soulful version ni Girlie ng awiting Evergreen ni Barbra Streisand, mula sa pelikulang pinagbidahan nito, ang A Star is Born. May remake ngayon ang movie, na pinagbibidahan ni Lady Gaga, at showing pa nga sa mga sinehan as of this writing.
Sadyang pinaghandaan ni Girlie ang naging swan song niyang Memory from the Broadway musical na Cats.
Tiyak na wagi sana si Girlie kung ipinagpatuloy niya ang laban. Anyway, we wish her luck, at sana’y pumasok siya sa Grand Finals ng “Tawag ng Tanghalan”.
-Remy Umerez