Wala pang naitatala ang Philippine National Police (PNP) na insidente ng karahasan sa paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa halalan sa 2019.

Sinabi ni PNP spokesperson Chief Supt. Benigno Durana, Jr. kahapon na sa ikaapat na araw na ng COC filing ay wala pang nai-report na karahasan sa buong bansa.

“So far during the past few days wala pa naman tayong nakitang untoward incidents although may mga shooting incidents tayong nakikita, I think mga two or three. But based on our review of all the reports coming in from different police offices all over the country, generally, napaka-peaceful naman,” sabi ni Durana.

Sa Mindanao, malaki ang naitulong ng pag-iral ng martial law sa pagiging mapayapa na filing ng COC, aniya.

Eleksyon

Darren Espanto, higit anim na oras bumiyahe makaboto lang

Dagdag pa niya, dahil sa martial law ay nabawasan kung ‘di man tuluyang nasawata ang paglaganap ng private armies at loose firearms.

“Malaking tulong po iyan, dahil alam niyo naman based on the culture, maraming factors why there are a proliferation of armed men and loose firearms in that area,” sabi ni Durana.

Nagpulong kahapon sina PNP chief, Director General Oscar Albayalde at Armed Forces Chief of Staff Gen. Carlito Galvez sa Camp Crame, Quezon City, upang pag-uusapan kung paano pa mapapaigting ang kooparesyon at koordinasyon ng pulis at militar para sa halalan sa papasok na taon.

Sa isang joint statement pagkatapos ng meeting, sinabi ng PNP at AFP na ginagawa nila ang lahat “for better coordination and cooperation under the framework of the Joint Peace and Security Coordinating Committee (JPSCC) in our operations on internal security, anti-criminality and counter-terrorism.”

Para kay Albayalde, ang pinakamalaking banta sa eleksiyon ay ang panghihimasok ng mga private armed group (PAG), rebeldeng komunista, at terorista.

Sinabi niyang paiigtingin pa ng pulis at militar ang kampanya laban sa loose firearms at gun-for-hire groups.

-Fer Taboy at Martin A. Sadongdong