Walang plano si Senator Antonio Trillanes IV na kumandidato sa anumang elective post sa susunod na taon.

Ito ang kinumpirma ni Trillanes nang samahan niya kahapon ng umaga si Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano sa paghahain ng huli ng kandidatura sa pagkasenador sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila.

Dahil huling termino na nito bilang senador, sinabi ni Trillanes na nais niyang patunayan kay Pangulong Duterte na kahit wala siya sa puwesto ay kaya niyang tumindig laban sa Punong Ehekutibo dahil nasa tama siya.

“Ipapakita natin kay Mr. Duterte na kahit wala ka sa puwesto, kaya mo siyang tindigan, basta nasa tama ka,” ani Trillanes.

National

'Pekeng' doktor na tumuli sa namatay na 10-anyos, dati na raw nabilanggo

Pinabulaanan din niya ang napigilan ng pagbawi ni Duterte sa kanyang amnestiya ang plano niyang pagkandidato.

“Marami na rin akong kaso before. Hindi naman naging hadlang ‘yan,” aniya pa.

Kasunod ng pagpapawalang-bisa ni Duterte sa amnestiya ni Trillanes, muling nabuhay ang mga kaso ng kudeta at rebelyon ng senador, na dinidinig ngayon sa dalawang korte sa Makati City.

Samantala, kasabay ni Alejano ay naghain na rin ng kandidatura ang mga re-electionist na sina Senators Cynthia Villar, Grace Poe- Llamanzares at JV Ejercito.

Personal ding naghain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) para senador si dating Senator Lito Lapid at si Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu.

Kakandidato naman si dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson para maging nominee ng Kasosyo Party-list.

-Mary Ann Santiago, Leslie Ann G. Aquino, Erma Edera, at Ria Fernandez